Isang malungkot na balita ang aming tinanggap kahapon ng umaga, June 17, araw ng Sabado when Blessy Arias, longtime partner ng aktres na si Rosanna Roces texted us sa pagpanaw ng actor na si Patrick Guzman dahil sa sakit sa puso sa Toronto, Canada kung saan na ito naka-base ngayon kasama ang kanyang wife na si Chat at kaisa-isang anak na si Aiden.
We immediately texted Canada-based actress-writer and director na si Beverly Vergel para kumpirmahin ang balita gayundin ang ang aktres na si Chiqui Pineda. “Yes, Ate Aster. Early this morning (of June 17, Manila time). He is survived by a wife and a son. The family is requesting for privacy at the moment.”
Naalala rin ni Beverly na “He was my lead actor in 2019 for BROmance: The Movie, a comedy full length film, shot and released in Canada,” dagdag na text back sa amin ni Beverly.
Nung dekada ‘90 ay isa si Patrick sa pinaka-in demand lead actor at nakagawa niya ng almost forty films at kasama na rito ang Una Kang Naging Akin, Sa Piling ng Iba, Chick Boy, You and Me Against the World, Kung Ako Na Lang Sana, Huwad na Hayup, Malikot na Mundo, Sisa at marami pang iba.
Nagsimula siya sa pagiging celebrity endorser ng isang kilalang brand ng watch na kanyang naging pasaporte sa pagpasok sa showbiz.
Huminto ang actor sa showbiz career sa Pilipinas nang magdesisyon itong mag-relocate sa Canada with his family.
Nung aktibo pa si Patrick sa kanyang showbiz career sa Pilipinas ay kilala ito sa pagiging mabait at palakaibigan at napakaganda ng kanyang PR kaya well-loved siya ng mga taga-industriya.
Nakagawa rin ito ng ilang pelikula sa bakuran ng OctoArts Films kaya naging malapit din ito sa amin.
Nakakabigla ang pagpanaw ni Patrick na kilala sa pagiging maalaga sa kanyang katawan.
Nung aktibo pa si Patrick sa kanyang showbiz career sa Pilipinas ay ang talent manager na si Leo Dominguez ang kanyang manager.
Eisel, pumirma sa Viva!
Ang aktres na si Eisel Serrano (24) ang pinakabagong contract artist ng Viva Artists Agency (VAA) matapos itong lumagda ng five-year management deal nung nakaraang Biyernes (June 16) ng hapon sa bakuran ng Viva office.
Bago nag-showbiz ay tinapos muna niya ang kanyang pag-aaral ng college sa University of Sto. Tomas kung saan siya nagtapos na cum laude on Travel Management course.
Sa kauna-unahang Metro Manila Summer Film Festival ay nakatambal niya si Carlo Aquino sa pelikulang Love You Long Time na ipinalabas nung nakaraang Abril 2023. Naging bahagi rin siya ng pelikulang Anak ng Macho Dancer na pinamahalaan ng veteran at premyadong director na si Joel Lamangan. Ito bale ang kanyang screen debut. Naging bahagi rin siya ng isang internationally acclaimed movie ni Adolfo Boriaga Alix, Jr. sa pelikulang Kontrabida na pinagbidahan ng superstar na si Nora Aunor.
Sa kabila ng pagiging baguhan sa industriya ay kinakitaan agad siya ng magandang future sa larangan ng pag-arte.
It was in 2019 nang maging bahagi si Eisel ng Star Magic kung saan niya nakapanabayan sina Belle Mariano at Charlie Dizon among others. Pero ito’y nasundan ng pagkawala ng prangkisa ng ABS-CBN sa panahon ng pandemya kaya wala siyang assignment na natatanggap. Kaya nitong 2023 ay nagdesisyon siyang maghanap ng bagong home studio hanggang mapunta siya sa bakuran ng Viva.
Although gusto niya ang wholesome roles, willing umano siyang gumawa ng kissing scenes kung hinihingi ng istorya pero out umano sa kanya ang pagpapaseksi.
Given the chance, gusto niyang makatrabaho ang Viva stars and talents lalung-lalo na ang mag-asawang Matteo Guidicelli at Sarah Geronimo.