Pagkamatay ni John, wala masyadong reaksyon ang showbiz
Namatay ang action star na si John Regala dahil sa komplikasyon sa kanyang internal organs, particularly ang kanyang kidney, siya ay 58. Kinumpirma ng kanyang asawa ang kanyang kamatayan peo parang walang masyadong naging reaksiyon ang industriya. Marami rin namang nagawang pelikula si John at noong una ay naging bahagi rin ng That’s Entertainment ni Kuya Germs (German Moreno).
Kamakailan lamang nanawagan si John sa kanyang mga kasamahang artista para raw siya makapagpagamot ng kanyang karamdaman, pero ang panawagan niya ay hindi napansin. Noon kasi sinasabing nag-collapse na siya sa kalye sa Cavite, kung saan siya nakatira, mabilis naman siyang natulungan ng dalawang dating kasamahan sa That’s Entertainment na sina Chuckie Dreyfus at Nadia Montenegro, kasama pa ang movie writer na si Aster Amoyo. Naipagamot naman si John sa isang mahusay na ospital. Medyo bumuti ang kanyang kalagayan, pero pagkatapos noon nagkaroon pa ng contoversy sa mga tumulong sa kanya dahil daw sa nakalap na pera para sa kanya.
Marami na rin ang natakot na makialam dahil baka nga naman tumutulong ka lang mapagbintangan ka pa nang hindi tama. Isa pa sinasabing tinutulungan naman siya ng mga kasama niya sa kanyang relihiyon. Sana naman huwag siyang pabayaan ng mga dati niyang kasama at kalimutan na nila kung nagkaroon man sila ng problema in the past.
Kasabay naman noon may kumalat na namang fake news sa social media kung saan sinasabing pumanaw na rin ang isang sikat na direktor ng pelikula. Mabilis namang nagpahayag ng pakikiramay ang isa pang sikat na direktor, iyon pala fake news lang iyon. Hindi naman talaga dapat paniwalaan kung makikita mo lang sa social media.
Baguhang singer Lizzie Aguinaldo, mas pinili ang pag-aaral kesa pelikula nina ate Vi at Boyet
Nakumbida kami sa launching ng single na si Lizzie Aguinaldo. Pero kahit na anong tingin ang gawin namin sa bagets na si Lizzie, mukhang mas bagay siyang maging artista. Sayang nga lang, kasama pala siya dapat sa pelikula nina Ate Vi at Boyet na When I Met You in Tokyo, pero hindi siya natuloy dahil may pasok pa siya sa school at isang buwan ang shooting noon sa Japan. Pero sa ngayon inaasikaso nga niya ang kanyang single na Baka Puwede Na, na komposisyon ng composer at direktor din ng pelikulang si Joven Tan, kaya siguradong hindi magtatagal at makakagawa rin ng pelikula si Lizzie, aba eh di hamak naman siyang mas maganda kay sa iba riyang nag-aartista ngayon.
Kapansin-pansin din na bagama’t galing sa isang prominenteng pamilya, mababa ang loob ni Lizzie. Iyang mga ganyan ang madaling mapamahal sa fans. Tiyak namin na sa lalong madaling panahon ay sisikat iyang batang iyan.
Male starlet, takot lumabas ang baho sa raket noon!
Mahirap talagang itago ang “baho,” dahil kahit na anong tago ang gawin mo sisingaw pa rin iyan. Iyang mga sikreto, parang bagoong iyan, ilagay mo man sa ilalim maaamoy pa rin. Kaya iyong mga sikreto ng maraming mga artista na ginawa nila noong nagsisimula pa lamang sila, at maging noong hindi pa sila artistang totoo, sumisingaw pa rin oras na sumikat na sila nang kaunti at iyan ang nagiging dahilan ng kanilang pagbagsak. Iyong sinasabing hindi pa sikat laos na.
Iyan ngayon ang kinatatakutan ng isang male starlet na galing pala sa hindi magandang sideline. Marami pala siyang pictures, video at kung anu-ano pang personal items na ibinenta niya noon sa mga bading. Eh ngayon, unti-unti na yatang lumalabas iyon.
Ang katuwiran naman daw ng mga bading sa kanya, “binayaran ka namin, sa amin iyon, at kung ano man ang gusto naming gawin doon, problema na namin iyon,” sabi raw ng mga bading na pinakikiusapan niyang isauli na sa kanya ang pictures, video at personal items na ipinamigay niya bilang souvenirs.
- Latest