Bakit hanggang ngayon pinagtatalunan pa ang sinasabing IRR (implementing rules and regulations) na ipinatupad ng FDCP (Film Development Council of the Philippines) noong kapanahunan ni Liza Diño, na tinututulan ng maraming lider ng Industriya? Ang IRR na iyon, sabihin man ni Liza Diño na pinagtibay ng council noong kanyang panahon, ay maaaring baguhin at ibasura na lang ng council sa kasalukuyan na pinamumunuan ni Tirso Cruz III. Ang pinagtibay ng isang council ay maaaring isantabi o ibasura ng kasunod na council na may kapangyarihan ding baguhin ito. Kung talagang tutol ang industry sa IRR na iyon na kung saan umaakto na ang FDCP bilang regulatory body ng industriya na hindi naman nila trabaho, bakit ipipilit pang ipatupad?
Ano ba talaga ang trabaho ng FDCP? Dahil sa gusto rin nilang makatulong siguro, sumobra talaga ang papel ng FDCP noong nakaraan, sinakop nila ang pamimigay ng ayuda sa mga manggagawa ng industriya na hindi naman dapat dahil trabaho na iyon ng DSWD, nakialam sila pati sa pagbabakuna laban sa COVID na papel ng DOH, at alin man sa mga iyan ay wala sa kanilang mandato bilang isang film development council. Nakialam din sila sa halos lahat ng award-giving bodies sa pelikula na lahat naman ay private entities na hindi sana dapat pakialaman ng gobyerno.
Gumagawa sila ng film festivals, at gusto pang makuha pati ang Metro Manila Film Festival ganoong ang lahat ng festivals naman nila ay nalugi at natapon lang ang pera ng gobyerno na pera ng bayan. Sa ilalim ba nila, may mga nagawang mga klasikong pelikula kagaya ng Himala at iba pa na ginawa ng Experimental Cinema of the Philippines noon? Ano ba ang naabot natin sa foreign marketing ng ating mga pelikula? Tapos pati na ang mga pagtatalaga ng dokor at ambulansiya sa mga shooting at taping gusto nilang pakialaman?
Ang naging problema ng FDCP noong mga nakaraang pamunuan ay napakaraming trabaho na gusto nilang pasukin, na kung iisipin mo, malalagay na halos sa total control nila ang buong industriya ng pelikula, pati na ng telebisyon, na hindi naman dapat.
Pelikulang comedy, nilayasan ng nanood
Ayaw naming mamintas ng pelikulang Pilipino, iyan ang totoo, lugmok na nga ang industriya at kasabihan na nga “you don’t kick a sick and dying dog” pero totoo ito, noong isang gabi ay napanood namin ang sa palagay namin pinaka pangit at walang kawawaang pelikula na nakita namin sa buong buhay namin, hindi na namin tinapos.
Walang eksenang natawa kami kahit na iyon ay comedy. Wala rin namang eksenang nakatawag sa aming simpatiya kahit na iyon ay may kaunting drama. Kuwento iyon ng isang baklang nagkaroon ng leukemia. Tapos naging travelogue kung saan ipinakikita na ang iba’t ibang magagandang lugar sa isang probinsiya na dinarayo ng mga turista. Aywan kung ang pelikula ay nakakuha pa ng ayuda mula sa tourism na hindi malayo dahil may mga partylist politicians na kasama sa gumawa ng pelikula. Pero hindi namin talaga natagalan, lumabas kami. Kung ganyan ang mga pelikula, wala na ngang manonood sa sinehan.
Noong papalabas na kami, hinabol pa kami ng guardiya na kung lalampas daw kami sa lobby ay hindi na kami makakabalik, nagulat pa siguro siya nang sabihin naming wala na naman kaming planong bumalik. Iyan namang mga gumagawa ng pelikula, dapat pinag-aaralan nila ang ginagawa nila, dahil kung gumagawa sila ng ganyan kapapangit na produkto, hindi lang sila ang nasisira. Nawawalan ng gana ang mga tao sa pelikulang Pilipino. Mas lalo tayong magtatagal bago maka-recover.