Naglalabas na nga ng “color key” ang AMBS o Advanced Media Broadcasting System na may identity nila sa analog Channel 2. Ibig sabihin, hindi magtatagal at maaaring mapanood na muli ang Channel 2 na ngayon ay nasa AMBS na sa free TV. Ibig sabihin, nakakuha rin sila ng analog transmitter para makapag-broadcast.
May mga nag-iisip kasi na baka hintayin na lang nila ang migration sa digital broadcast, kaysa sa bumili pa ng transmitter na hindi na nila magagamit nang matagal na panahon.
Tiyak iyon na pag-ere nila sa analog, kasabay na rin ang kanilang digital broadcast. Ang tanungan ngayon ay kung ilang provincial stations nga ba ang nakuha nila? Hindi rin sila magiging kasing lakas ng ABS-CBN, kung wala rin silang magiging provincial stations. Dahil din ang prangkisa nila ay free TV, obligado silang dalhin ng lahat ng cable service providers.
Ngayon malalaman na natin kung ano nga ba ang ilalabas ng AMBS, o sila ba ay magbibigay daan sa content producers, kagaya ng ABS-CBN ngayon, para gumawa ng programa para sa kanila, kasi lahat naman halos ng malalaking artista, nakuha na ng producers.
BBM, wala pang ideya sa ilalagay sa mga ahensya ng pelikula
Presidential prerogative kung sino ang itatalaga niya sa Movie and Television Review and Classification Board, Optical Media Board, at Film Development Council of the Philippines, na lahat ay nasa ilalim ng Office of the President, na ibig sabihin, co terminus ang kanilang panunungkulan sa nag-apppoint sa kanila. Iyong Film Academy naman ay isang tripartite organization na binubuo ng mga manggagawa sa industriya, pero nasa batas noon na ang director-general ay isang appointee rin ng presidente ng Pilipinas bilang kinatawan ng gobyerno.
Hanggang ngayon, mukhang wala pang nasa isip si Presidente Bongbong Marcos kung may iba ba siyang ilalagay sa mga posisyong iyan. Wala namang nag-aambisyon maliban sa isang masugid na supporter ng isang natalong kandidato at kritiko ng nanalong presidente.
Callalily, iba na
Masakit pakinggan ang sinasabi ng mga dati niyang kasama laban kay Kean Cipriano. Umalis si Kean sa kanilang banda matapos amining may problema sila, pero diumano’y napunta sa kanya ang pangalan ng banda nilang Callalily, na ibig sabihin maaari siyang bumuo ng panibagong grupo.
Ganoon pa man, tanggap nila ang nangyari kaya nga mabilis nilang pinalitan ang pangalan ng banda na tinawag na lang nila ngayong Lily. Kumuha na rin sila ng panibagong soloista, si Kevin Hermosada.
Hindi natin alam kung ano ang kahahantungan ng pagkakawatak-watak ng Callalily, lalo na sa panahong ito na tagilid naman ang industriya ng musika sa ating bansa, dahil ang totoo, hindi pa naman tayo nakakahabol doon sa digitalization ng musika at matindi pa rin ang problema ng piracy.