Hindi na mapilit sa indie
Totoo ba ang sinasabi nila na basta gumawa ng mga pelikulang de kalidad ay hindi kumikita? Ang tanong namin diyan ay kanino bang standard ang sinasabi nilang kalidad? Baka naman kalidad na gusto lang nila, hindi iyong gusto ng tao.
May mga pelikulang de kalidad na naging top grosser pa, kagaya noong Jose Rizal ni Marilou Diaz Abaya, kahit na indie kumita ang Heneral Luna dahil gustong malaman ng mga tao kung talagang naikuwento ba ang tamang history.
Naalala nga namin ang huli naming kuwentuhan ni director Emmanuel Borlaza, na naging vice chair din ng MTRCB (Movie and Television Review and Classification Board) nang matagal na panahon. Sabi ni direk Maning, “kung ang tao ba gustong kumain, ano ang itatayo mong negosyo carinderia ba o barberya. Ang hirap kasi sa iba, ipinipilit nila iyong wala namang demand. Papaano mabubuhay ang industriya kung hindi kumikita? Sasabihin nila nananalo sila sa abroad, iyon bang panalo nila nakakatulong sa industriya? Naibebenta ba ang kanilang pelikula sa abroad? Iyan kasing awards, kung hindi mo naman maita-translate into box office, para ano iyan” sabi sa amin ng beteranong director.
Iyan ang katotohanan na ayaw tanggapin ng ibang naglilider-lideran sa industriya ng pelikula ngayon. Gumawa kayo ng mga pelikulang kumersiyal, iyan lang ang solusyon sa problema ng industriya sa ngayon. Hindi iyong sapilitang pagpapalabas sa mga pelikula na hindi naman gusto ng audience. Malulugi lang kayo riyan, idadamay pa ninyo ang mga namuhunan sa sinehan, at pagkatapos iyong mga political appointments sisisihin sa mga nangyari.
Gawin ninyo ang ginawa ng ECP noong araw. May gustong gumawa ng magandang pelikula, tulungan ninyo, pero hindi magagawang ipagsiksikan sa tao kung ano ang mga pelikulang kayo lamang naman ang nagkakagusto. Iyong mga kumitang pelikula, ayaw ninyo iyan, pero iyan ang nagliligtas sa industriya kaya nakapagpapatuloy pa hanggang ngayon. Kung hindi, baka puro pelikulang dayuhan na lang ang inilalabas sa ating mga sinehan.
Legend actress namamalimos na halos ng pelikula
Pinansin nila ang ika-apat na pag-akyat ni Lea Salonga sa Tony Awards. Nanalo na siya, naging performer, naging presentor at pinakahuli nga ay nag-perform na muli.
Kinikilala sa buong mundo si Lea, siya lang naman ang tanging artista na nanalo ng award sa London at New York. Sa loob ng isang taon, nakuha niya ang Laurence Olivier award sa London at lahat ng awards sa New York.
Pero kung papansinin ninyo, hindi halos kumikilos ang career ni Lea. Siguro dahil may pamilya na siya at iyon na ang kanyang priority. Napaghandaan na rin naman niya ang kanyang kinabukasan, at siguro nga iyan ang sinasabing graceful retirement. Hindi siya lumalabas, pero napapanatili niya ang kanyang katayuan bilang isang legend.
Ganyan din sana ang ambisyon ng isang starmaker noon para sa isang sumikat na aktres, pero dahil sa maling mga diskarte sa buhay at sa paniniwalang hanggang ngayon on top pa rin siya, nasira na ang kanyang pagiging isang legend. Nakakatakot isipin na mawawala ang kanyang popularidad nang ganoon na lamang. Nakakahinayang pero kitang-kita naman na lumubog na ang kanyang career.
Para na siyang nagpapalimos ng mga project para mapatunayan ang kanyang popularidad, kaso minsan ay mali pa rin ang kanyang nagagawa at lalo lang siyang bumabagsak. Sayang, sana natutuhan niya ang style ni Lea.