MANILA, Philippines - Nagdagdag na naman pala si Big Brother ng tatlong bagong housemate na isasama niya sa mga naunang pumasok na tinawag niyang “regulars” na parte pa rin ng Pinoy Big Brother Lucky Season 7.
Isa-isang pinakilala ang mga housemate at nauna na nga rito si Aura Azarcon na taga-Las Piñas. Si Aura ay graduate ng med school at kasalukuyang intern sa isang ospital, sunod naman ang blogger na taga-Pampanga na si Wil Dasovich, at ang Transgender Man ng Cavite na si Jesi Corcuera.
Kung mapapansin, mas naging “mapangahas” ang pagpili ng mga housemate at tiyak na masusubukan ang kanilang pakikisama bilang galing sila sa iba’t ibang lugar at may kaibahan din sa mga ugali.
Beauty and brains na maituturing si Aura na isang medical intern. Dahil sa kanyang background sa paglilingkod bilang student council president at medical student, naniniwala siyang kaya niyang makipaghalubilo sa iba’t ibang uri ng tao. Bago pa man siya kumuha ng medical board exam sa susunod na taon, gusto raw niyang masubukan ang once in a lifetime experience sa loob ng PBB house at patunayang may makulit din na side ang mga doktor.
Ang video blogger naman na si Wil ay matagal nang pangarap na maging housemate, kaya naman tatlong beses na siyang nag-audition bago makapasok sa Lucky Season 7. Isang Filipino-American si Wil na pumunta sa Pilipinas para magbakasyon pero nagdesisyon siya na manatili sa bansa para subukan ang modeling career at para matutunan ang kulturang Pinoy na hindi niya nakalakihan. At ngayon, isa na siyang certified internet sensation para sa viral videos niya kung saan bida ang kwelang pagsasalita niya ng Tagalog at gay lingo.
Samantala, hindi first time para kay Jesi na sumali sa isang TV competition. Naging bahagi siya ng isang talent search sa isang TV network kung saan siya nag-audition bilang isang babae.
Makakasama nila ang iba pang regular housemates na sina Incredible Hunk ng Nueva Ecija na si Tanner Mata, Bibang Bentang-guena ng Batangas na si Baninay Bautista, Rampa Raketera ng Bulacan na si Ali Forbes, Longing Son ng Taguig na si Luis Hontiveros, Lucky Bet na Miss ng Tacloban na si Thuy Nguyen, Dazzling Daughter ng Bulacan na si Cora Waddell at Overseas Filipino Warrior ng Tondo na si Jerome Alecre.
Bakbakan sa Tawag... mas umiinit
Sunud-sunod ang naging paandar ng It’s Showtime noong Oktubre. Isang buwan ding nag-celebrate ng seventh anniversary ang nasabing noontime show, ha.
Dahil sa mabusising paghahanda at mahigpit na kumpetisyon sa pagitan ng hosts, nag-level up ang kanilang performances sa taunang Magpasikat Week para maaliw at mapasaya ang solid viewers ng programa.
Kaya para sa kanilang tapang at buwis-buhay performance, nagwagi ang team nina Anne Curtis, Amy Perez, at Joey Marquez. Bukod sa aerial stunts nina Amy at Joey, higit na pinabilib nina Anne, kasama ang GirlTrends na sina Dawn at Krissha sa kanilang rappelling na may kasamang choreography sa isang mataas na building. Dahil sa kanilang winning performance ay nagwagi ng P300,000 ang team, kung saan kasama rin sina GirlTrends Miho at Maika at Hashtags member na sina Paulo at Ryle, para sa kanilang napiling charity.
Pinakaba rin ng kambal na sina Joj at Jai Agpangan para sa kanilang makapigil-hiningang aerial stunts performance na nagwagi sa Clash of Celebrities. Nagwagi sila ng P100,000 at tinalo ang kapwa finalists, ang actor-rapper na si Young JV, beauty queen na si Bea Rose Santiago, The Voice Kids contestant Kyle Echarri, at dating PBB housemate na si Shey Bustamante.
Pati ang mga dating kampeon ng programa ay nagpakitang gilas din sa Clash of Champions, kung saan muling pinabilib ng iba’t ibang grupo mula sa iba’t ibang kumpetisyon ang madlang people. Dito, itinanghal na winner at nag-uwi ng P100,000 ang Names Going Wild, ang 2015 Halo-Halloween grand champion.
Binuksan naman ang haPITOgether celebration noong Oktubre ng Quarter 3 semi-finals ng Tawag ng Tanghalan, kung saan idineklara bilang panalo sina Noven Belleza at Eumee Capile. Pasok na sila sa grand finals ng naturang kumpetisyon.
Sa Quarter 4 ng kumpetisyon, pasok na sa semi-finals ang pambato ng Mindanao na si Jeramie Sanico at pambato naman ng Metro Manila na si Hazelyn Cascano.