MANILA, Philippines – In fairness, maraming mga kaibigang celebrity si John Lloyd Cruz na tumutulong mag-promote ng pelikula niyang Honor Thy Father na isa sa walong official entries sa Metro Manila Film Festival 2015.
Co-producer si John Lloyd ng nasabing pelikula, kaya naman tumutulong sa kanya ang mga kaibigan para magkaroon ng matinding awareness sa pelikula niya na hinuhulaang hahakot ng awards sa Metro Manila Film Fetsival 2015 Awards Night bukas.
Isa sa nag-post sa Instagram ng Honor Thy Father ay ang De La Salle University Green Archers member na si Jeron Teng.
Manager kasi ni Jeron si Dondon Monteverde na co-producer ng pelikula.
Sabi ni Jeron, mahilig sa Tagalog movies ang kanyang pamilya lalo na ang nanay niyang si Susan Teng, kaya definitely ay manonood daw sila ng pelikula ni John Lloyd hindi lang bilang suporta sa manager nila ng kuya niyang si Jeric Teng kundi dahil mukhang maganda raw ang Honor Thy Father.
Anyway, dapat mag-double time ang fans ni John Lloyd sa panonood ng Honor Thy Father para patunayang mali ang kutob ng marami na isa sa mangungulelat ang nabanggit na pelikula.
Sa totoo lang, mukhang maganda naman ang pelikula ni John Lloyd at kahit drama ito, puwede pa rin namang panoorin ngayong Kapaskuhan!
Bunso ni Ruffa todo-tanggol kay Jordan
Nakasama ko noong December 24 si Annabelle Rama at mga apong sina Lorin at Venice Bektas.
Wala si Ruffa at hindi nakasama sa lugar na pinuntahan namin dahil busy raw sa pagbabalot ng mga regalo dahil may traditional Christmas eve party nga sila taun-taon.
Kung noon ay sa White Plains house nila ang party, ngayon ay sa Dasmariñas Village, Makati City na ‘yon dahil doon nakatira si Ruffa pati sina Richard Gutierrez, Sarah Lahbati at Baby Zion.
Anyway, may mga katsikahan si Bisaya at nabanggit ang boyfriend ni Ruffa na si Jordan Mouyal.
Siyempre, very vocal si Bisaya na ayaw niya kay Jordan.
Eh, kaharap nga sina Lorin at Venice na kapwa malapit kay Jordan, kaya nag-dialogue ang bunso ni Ruffa kung bakit ayaw ng lola nila kay Jordan?
“Lola, he’s nice! He even gave me a tablet!” depensa ni Venice kay Jordan.
“Bakit ka n’ya binigyan ng tablet, wala ka namang sakit, ha?!” sagot naman ni Bisaya sa apo.
Naloka ang lahat ng mga kaharap ni Bisaya dahil inakala niyang gamot ang tablet na ibinigay ni Jordan kay Venice samantalang ang tinutukoy na tablet ng bunso ni Ruffa ay isang uri ng gadget kung saan ay nakakapag-surf siya sa internet.
Tawa lang nang tawa si Bisaya nang ma-realized ang kanyang pagkakamali at hindi na nagsalita pa tungkol kay Jordan.
Iba talaga si Bisaya, very character!
Pelikula ni Sharon, may remake
Bongga talaga ang Viva Television ni Boss Vic del Rosario ngayong 2016, huh!
Aba, hindi lang sila sa TV5 mamamayagpag, pati si Cignal Cable ay mas lalo silang bobongga dahil may bago rin silang cable channel, ang Sari-Sari Channel.
Hindi lang lumang movies and shows, pati concerts ng Viva ang ipapalabas sa Sari-Sari Channel dahil may new series daw sila.
May weekly series nga raw sila na ang isa sa ipapalabas ay ang My Only Love na remake ng pelikula noon ni Sharon Cuneta.
Marami nga ang nagsasabing ka-level na ni Boss Vic ngayon ang ibang mga may-ari ng TV networks sa bansa dahil sa rami ng businesses niya na may kinalaman sa entertainment!