Sa presscon ng Beauty and the Bestie ay nilinaw ni Vice Ganda na hindi niya boyfriend ‘yung mga naglalabasan na diumano’y nagpadala raw ng flowers sa kanya.
Nag-post kasi si Vice Ganda ng picture niya with a box of black and white roses sa kanyang Instagram at sa ibang sites naman ay may lumabas na picture ng guy na diumano’y nagpadala nito sa kanya at sinasabi ngang ito ang boyfriend niya.
“That’s not true,” paglilinaw ni Vice.
He also clarified na ‘yung guy na lumabas ay hindi raw ang nagpadala sa kanya ng flowers.
“Pareho lang kami ng pinost. Kasi ‘yung flowers na ‘yun, eh pa-Instagram nung flower shop. Kaya nga ‘di ba, ‘yung caption ko, comedy? Eh ‘yung tao, ang dudumi ng utak. Na porket pare-pareho kami ng pinost…” say niya.
Dahil nga best friend niya si Coco Martin na isa rin sa bida ng movie, natanong ang aktor kung alam niya ang estado ng love life ni Vice.
Say ni Coco ay “oo naman”. Basta ang wish lang daw niya ay maging masaya ang best friend.
“Basta masaya ako basta masaya. Basta lagi lang siyang safe at huwag siyang sasaktan.”
Ayaw daw niya siyempreng nakikitang pineperahan ng mga lalaki si Vice.
“Gusto ko, mahal siya, eh. Ayoko ‘yung parang pera lang ang gusto ko sa kanya.”
Pagbubuking pa ni Coco, halos lahat daw ay pinerahan lang si Vice pero ngayon daw ay medyo sarado ang puso nito.
Francis Tolentino may pramis sa taga-industriya
Nangako si former MMDA chairman Francis Tolentino na ipagpapatuloy niya ang pagtulong at pagre-revive sa Philippine film industry na alam naman natin na talagang sobrang apektado ng piracy at mga foreign films na ipinalalabas sa bansa.
Ayon sa Senatoriable, sa panahon daw kasi ngayon, masyado nang malaki ang cost ng pagpo-produce ng pelikula at mas mura pa raw ang mag-import na lang ng foreign films.
“I want to continue my advocacy in reviving our film industry by giving incentives,” aniya.
Matatandaang hinawakan ni Tolentino ang Metro Manila Film Festival (MMFF) at during those times, talaga raw napakalaki ng naging gross nito.
Siya rin ang nagbigay-suporta sa indie films by establishing New Wave section and student short film competition at nagsimula ng first MMFF animation category.
Jonalyn bittersweet ang pamamaalam sa Kapuso
Humarap si Jonalyn Viray sa isang pocket presscon last Thursday para ipaalam sa mga tao at sa kanyang fans ang bagong chapter ng kanyang buhay na tatahakin sa pagpasok ng taong 2016.
Dahil ngayong 2015, ang kanyang makulay at decade-long journey bilang eksklusibong artist ng GMA 7 ay humantong na sa isang bittersweet na pagtatapos.
“Expired na po ang kontrata ko sa network nuong May,” ayon kay Jonalyn. “Malaki po ang utang na loob ko sa GMA at wala po ako sa kinalalagyan ko ngayon kung hindi dahil sa pag-aaruga sa akin ng network at management nito.
“Bittersweet po talaga ang pakiramdam ko dahil tahanan ko ang GMA sa nakalipas na 10 taon at hinding-hindi ko po makakalimutan ang mga ginawa nila para sa akin, pero excited din po ako sa mga pwedeng mangyari sa hinaharap. Ang maganda, pwede pa rin po akong lumabas sa mga shows ng GMA at ng ibang networks din. Freelance artist na po ako ngayon at excited na rin po ako sa bagong phase ng aking career.”
Ngayon, katatapos lamang ng SRO concert ni Jonalyn sa Music Museum na pinamagatang Journey Into My Heart, na itinanghal ang kanyang musical influences at certified hits na kanyang ini-record sa nakalipas na 10 taon.
Naghahanda rin siya sa opisyal na launch ng kanyang 5-track EP na pinamagatang Heart Of Glass sa ilalim ng Creative Media Entertainment, na iri-release sa 2016. Ang carrier single ng EP, na pinamagatan ding Heart of Glass, ay prinodyus, in-arrange, at ni-record sa Amerika, at available na rin ngayon para sa digital downloading.