MANILA, Philippines – Samu’t-saring sorpresa at regalo ang ihahatid ng Unang Hirit ngayong Biyernes sa pagdiriwang nito ng ika-16 taon sa telebisyon.
Makikisaya ang UH Barkada sa ika-10 Parol Festival ng Las Piñas at ibabahagi ang good vibes sa isang dosenang pamilyang makatatanggap ng buena manong aguinaldo ilang araw bago mag-Pasko.
Itotodo pa ang tamis at kilig sa umaga dahil sina Alden Richards at Maine “Yaya Dub” Mendoza ang bibigyang-payo ng Team SuGaTan.
Samantala, ibinahagi naman ng 2015 PMPC Star Awards’ Best Morning Show Hosts ang mga sweet and unforgettable moment ng mga ito mula nang maging bahagi sila ng naturang palabas.
Para kay Arnold “Igan” Clavio ang UH ang dahilan ng kanyang paggising ng maaga.
Samantalang si Suzi Abrera-Entrata, si Igan ang ‘di malilimutan sa unang taon ng UH.
Memorable rin sa mga host ang birthday celebrations sa UH.
“Bawat araw ng kaarawan ko ay nabibigyan ng espesyal na paghahanda at nagiging memorable dahil nakikita ko ulit ang mga dati kong kaibigan,” wika ni Igan.
Si Mang Tani naman, first time makasama ang kanyang asawa at anak sa kanyang kaarawan sa UH. “Kagagaling lang ni Glo noon from a very serious sickness,” sabi ng Kapusong resident meteorologist. “And of course kasama ko ang mga co-host. They’re all extra sweet and caring.”
Feeling superstar ka nga raw kapag birthday mo, sabi ni Connie Sison. “May mga taong nahahagilap para magbigay ng mensahe,” wika niya. Si Lyn Ching-Pascual ikinatutuwa naman ang birthday and Mother’s Day video greetings.
“Hindi ko makakalimutan ang aking first birthday celebration sa UH a few years ago. Sobra akong touched. I feel very special,” sabi naman ni Tonipet Gaba.
Hindi lang sa happy moments sweet ang UH barkada. Ayon kay Lhar Santiago, na-touch daw siya noong dinamayan siya ng UH nang maaksidente siya ilang taon na ang nakalilipas. “Yung mga host and staff they keep on asking, texting and calling me kung kamusta ako. Very touching and sweet.”
Career-related naman ang memorable moments nila Rhea Santos at Ivan Mayrina.
“UH ang una kong trabaho bilang segment producer. Dito ako natuto, nabigyan ng oportunidad na gawin ang gusto ko,” wika ni Rhea. Sweet memories din ang hatid ng UH dahil dito niya nakilala ang kanyang asawa. At mula bridal shower hanggang panganganak nga ni Rhea, naging saksi ang UH.
Sa ika-16 na taon nga ng UH, looking forward ang UH barkada sa kanilang morning bonding na nagpapatibay sa kanilang samahan.