Ang akala namin maaapektuhan ng napakabigat na traffic ang unang gabi ng concert ni Sarah Geronimo sa Araneta Coliseum.
Noong araw na iyon tatlong sunog ang nangyari sa Metro Manila, at ang isa pa roon ay isang building mismo sa Cubao. Napilitan silang isara ang ilang kalye na naging dahilan ng napakabigat na traffic sa halos buong Metro Manila. Kung sa bagay, mayroon pa nga bang pag-asa iyang traffic na iyan eh araw-araw namang ganyan.
Pero nagulat kami sa nakita naming crowd doon sa Araneta bago pa man buksan ang kanilang mga gates, naroroon na ang fans ni Sarah. Mukhang talagang nag-effort sila para makarating sa Cubao. Makikita mo na may ibang mukhang hapung-hapo na, pero matiyagang nakapila pa rin. Hindi nila mapalalampas ang concert ng kanilang idol.
May nagsasabi pa ngang iyon pala naman kulang din ang seating ng Araneta at napilitan pa silang mag dalawang araw, sana inilagay na lang nila iyon sa ibang venue, sa MOA Arena halimbawa, na mas malawak ang parking at mas madaling puntahan.
Going back to the concert, ayaw naming pansinin ang sinasabi nilang mukhang may pahiwatig na si Sarah na gusto na niyang lumagay sa tahimik. Ang mas gusto naming bigyan ng pansin ay ang hataw niyang performance.
Siguro talagang itinodo niya ang performance niya, dahil this time, hindi mga cover versions ang kanyang kinakanta.
Ang mga kantang ganoon, ok lang dahil may following na ang kanta mismo. Pero ang ginawa nga ni Sarah, ang kinanta niya ay halos iyong mga sariling kanta niyang napasikat simula nang magsimula ang kanyang career.
Ang karaniwang concerts dito sa atin, kakanta lang ang artist ng ilang kanta niya, na usually medley pa, tapos kakanta na siya ng cover versions. Hindi nga ganoon ang ginawa ni Sarah. Malaking sugal iyon, pero sa reaksiyon ng audience, masasabi mo nga sigurong nanalo siya.
Kung ganyan namang performance talaga ang mapapanood mo, sasagasain mo nga ang matinding traffic.
H’wag naman sana… Angel posibleng maparalisa habang buhay dahil sa operasyon sa spine
Tama iyong desisyon ni Angel Locsin na ipa-opera na ang naging problema niya sa kanyang spine matapos niyang malaman ang depektong iyon.
Iyang mga ganyang problema, kailangang madaliin ang treatment habang may magagawa pa. Kung pababayaan niya iyan, baka mas lumaki pa ang problema. Remember spine iyan at maraming kumplikasyong maaaring mangyari dahil diyan. Hindi lang ang pagkawala ng chance niyang gawin ang Darna.
Pagkatapos ng operasyong iyan, kailangan pa rin niyang magpahinga at sumailalim ng therapy. Sigurado na iyon dahil buto iyan eh, at saka hanggang hindi maayos na maayos mahirap na ikilos iyan. Maganda rin ang desisyong sa Singapore sumailalim ng treatment, dahil sinasabi ngang naroroon ang mahuhusay na doctor sa buto.
Iyang operasyon sa spine, napakadelikado, isang pagkakamali riyan ay paralisado ang pasyente for life.
Mabuti naman at habang bata pa siya ay naisipan niyang ilagay na sa ayos ang lahat.
Ang pagkakamali ng marami, pinababayaan ang ganyang sitwasyon at kung kailan may edad na sila at wala na halos magagawa sa problema ay saka nila maiisipan ang magpagamot. By then pahirapan na ang gamutan, lalo na nga sa sitwasyon ngayon, naibenta na ang Philippine Orthopedic Center, meaning mahal na ang gamutan basta may kinalaman sa buto.