Hindi naman siguro masasabing galit na galit, pero halata mong dismayado ang aktres at Director na si Gina Alajar sa isang ospital sa Las Piñas, kung saan diumano ay dinala ang kanyang kasambahay dahil sa dengue. Nauna nilang dinala iyon sa isang emergency clinic, at nakita ngang mababa na ang platelets ng kanyang kasambahay. Medyo delikado na ang lagay, siguro kasi noong una ay hindi pinansin dahil hindi alam na dengue na iyon.
Pinayuhan daw sila na dalhin ang kasambahay sa isang ospital kung saan siya malalapatan ng tamang lunas, at salinan na marahil ng dugo. Pero nang dumating sa ospital, sa halip na asikasuhin agad dahil nasa isang kritikal na kondisyon na nga ang pasyente, hindi raw pinansin iyon dahil walang pera.
Nagtagal ang pasyente nang walang pumapansin, at nagsimula lang daw kumilos ang mga tao sa ospital nang dumating na ang kanyang anak, ang actor ding si Ryan Eigenmann na may dalang pera. At saka siguro nga nang makita na nila si Ryan.
Iyan ang madalas na sitwasyon sa mga ospital. Hindi naman lahat ganyan, pero karamihan sa mga ospital hindi talaga tatanggap ng pasyente kung walang pera. Naranasan na rin namin iyan, inaatake kami sa puso. Dinala kami ng isang kaibigan namin sa isang ospital sa Quezon City. Bantulot din silang kumilos maliban na lang noong makita nila na may laman palang pera ang aming wallet at makita ang aming ID. Nakasiguro na kasi sila na makakabayad kami. Ang nakakatawa pa nga roon, habang nasa emergency room kami, inutusan pa nila ang kasama namin na bilhin muna sa botika ang lahat ng gamot na kailangan namin, dahil wala raw sila noon. Bakit nga ba may emergency room kung walang supplies? Pero ganyan nga ang sitwasyon at kalakaran sa maraming ospital. Hindi lamang sa maliliit na ospital iyan. Sa malalaki, hihingan ka pa ng deposito bago ka gamutin.
Dismayado si Direk Gina sa nangyari, pero hindi lang sila ang may ganyang karanasan.
Amalia ipinagdarasal ng mga natitirang fans
Wala tayong naririnig na balita pero inatake pala ang aktres na si Amalia Fuentes habang nagbabakasyon sa Korea noon pang October 7. Pero ayon sa balita, maaayos naman ang kanyang kundisyon sa ngayon. Mahuhusay naman kasi ang mga ospital sa Korea, at saka may pera naman si Amalia Fuentes. Hindi naman siya kagaya ng ibang artista na umaasa sa donasyon para makapagpagamot.
Anyway, mabilis namang nakalipad pala papuntang Korea ang kanyang kapatid na si Cheng, tatay ni Aga Muhlach, para tulungan siya. Palagay namin kung hindi maayos ang sitwasyon, baka pati si Aga nagtungo na sa Korea. Si Aga kasi ang pinakamalapit na pamangkin kay Amalia.
Patay na ang nag-iisang anak ni Amalia na si Liezl, at kung natatandaan ninyo nagkaroon pa sila ng controversy ng kanyang manugang na si Albert Martinez at mga apo. Kahit noong panahong iyon, sinasabi naman ni Amalia na sa lahat ng mga pamangkin niya ay si Aga ang mahal niya.
Pero sana nga mabilis namang maka-recover si Amalia at makabalik na rito sa ating bansa. Marami pa rin namang fans ang movie queen na nagdarasal na sana nga ay ligtas na siya kahit na hindi na siya aktibo ngayon sa pelikula.