Inulit kahapon ni Manang Inday (Susan Roces) sa contract signing nito kahapon sa Champion ang kanyang madalas sabihin na susuportahan niya ang magiging desisyon ni Senator Grace Poe sa eleksyon sa susunod na taon.
Ang sabi ni Manang Inday, nasa wastong edad na si Mama Grace na magdesisyon para sa sarili at bilang isang ina, suportado niya ang anumang pasya ng kanyang unica hija.
Ibinigay sa akin kahapon sa presscon ang imbitasyon para sa tribute screening ng Ang Probinsyano na magaganap bukas, Huwebes, 6 p.m., sa Cinema 7 ng Trinoma Mall.
Bukas ang actual 76th birth anniversary ni Fernando Poe, Jr. kaya ito ang pinili na petsa para sa tribute sa nag-iisang Hari ng Pelikulang Pilipino.
Kumpirmado ang pagdalo ni Manang Inday dahil kasama siya sa cast ng television version ng blockbuster movie ni Kuya Ron.
Siyempre, expected ang pagdating ni Senator Grace Poe at ng kanyang pamilya, pati na ang malalapit na kaibigan nina Manang Inday at Kuya Ron.
I’m sure, dadagsa na naman ang mga reporter na gustong mainterbyu na magkasama sina Manang Inday at Mama Grace.
Susan nagpasalamat sa sinumang nag-abandona kay Sen. Grace
Minsan lang magsalita si Manang Inday pero kapag bumuka ang kanyang bibig, talagang nakikinig ang lahat at pinag-uusapan ang mga statement niya.
Big news ang mga pahayag ni Manang Inday tungkol sa lumang isyu na ampon si Mama Grace.
Tuwang-tuwa ang madlang-bayan sa sinabi ni Manang Inday na walang karapatan ang detractors ni Mama Grace na siraan ito dahil siya ang ina.
Marami ang nadurog ang damdamin sa pahayag ni Manang Inday na dapat magpasalamat ang kanyang anak dahil iniwan ito sa simbahan ng Jaro, Iloilo at hindi sa basurahan.
Welcome na welcome kay Manang Inday ang DNA test dahil gusto rin niya na makilala ang matagal na nilang hinahanap na biological parents ng kanyang anak.
Sa totoo lang, napakasuwerte ni Mama Grace dahil sina Manang Inday at Kuya Ron ang kanyang mga nakagisnan na magulang. Nagkaroon si Mama Grace ng magandang kinabukasan at minahal siya ng kanyang ama at ina na parehong mga superstar sa Philippine cinema.
Bato ang puso ng magsasabi na hindi sila naapektuhan sa sinabi kahapon ni Manang Inday. (Basahin ang kaugnay na balita sa article ni Jun Nardo)