Sa mismong araw ng Valentine’s Day ay hindi magkasama ang mag-asawang sina Ogie Alcasid and Regine Velasquez. Paano kasi, mayroon silang kanya-kanyang shows.
Si Regine ay may Ultimate concert ng Feb. 13 and 14 kasama sina Martin Nievera, Lani Misalucha and Gary Valenciano sa SM Mall of Asia Arena.
Si Ogie naman ay guest sa concert ni Zsa Zsa Padilla sa Feb. 14 na gaganapin naman sa Music Museum.
Pero say ni Ogie, manonood daw siya ng Ultimate concert ng Feb. 13. Baka raw Feb. 15 na sila mag-celebrate ni Regine ng Valentine’s Day kaya ang biro ng press, pang-K (kabit) ang kanilang selebrasyon.
Say na lang ni Ogie, “pang-Nate!”
Hindi nga rin daw sila makakapunta sa kasal nina Heart Evangelista and Sen. Chiz Escudero sa Balesin Island.
“Ipit ‘yung sked (schedule) ko, eh. Sinabi ko naman kay Senator na hindi kami makakapunta.”
Sa Feb. 20 ay may malaking concert siya sa pagkalaki-laking Philippine Arena sa Bulacan na may 55,000 capacity.
“Siguro, ang manonood sa akin, 53 people lang,” biro niya.
Jennylyn ilalantad na ang love life sa kanyang concert
Sold out na ang VIP and Gold tickets para sa pre-Valentine concert ni Jennylyn Mercado on Feb. 13 na Oo na! Ako Na Mag-isa! Samahan N’yo Naman Ako! sa SM Skydome.
Pero may silver tickets pa namang available kaya sa gustong manood, buy na kayo ng tickets bago pa man kayo maubusan.
Sinisigurado naman ni Jen na talagang mag-i-enjoy ang manonood ng kanyang concert dahil hango ito sa huli niyang pelikula na English Only, Please kung saan ay lalabas siya sa first part bilang Tere Madlangsakay, ang karakter niya sa nasabing Metro Manila Film Festival (MMFF) movie.
Bukod dito, may segment din sa concert si Papa Jack na magbibigay ng love advice sa kanya kaya dito raw ilalantad talaga ng aktres ang totoong kuwento ng kanyang love life.
Makakasama ni Jennylyn dito ang buong cast ng English Only, Please, kabilang na ang leading man niyang si Derek Ramsay, pati na rin ang mga ex-boyfriends niyang sina Mark Herras at Dennis Trillo.
Toni gusto munang makalandian si Coco
Bago ikasal kay Direk Paul Soriano ay gagawa muna ng pelikula si Toni Gonzaga with Coco Martin. Nagkaroon na ng storycon ang movie at pareho nga silang excited tungkol dito dahil first time nilang magkakatrabaho.
Si Toni mismo ang nag-conceptualize ng kuwento ng movie kung saan ay siya raw ang boss habang si Coco naman ay parang runner or PA niya.
Nang buuin niya ang konsepto ay si Coco lang daw at wala nang iba pa ang gusto niyang maging leading man at ang aktor lang daw talaga ang babagay sa role.
Nang makapanayam nga si Toni ng mga taga-media sa storycon, tinatanong siya kung may date na ba ang kanilang kasal this year pero ayon sa TV host ay wala pa raw.
Matapos nilang inanunsyo sa The Buzz ang kanilang engagement ay hindi pa raw sila nagkakaroon ng time with their families to sit down at mag-usap-usap.
Dahil sa ngayon daw ay kailangan niyang mag-focus muna sa paggawa ng movie nila ni Coco. After the showing, saka na raw niya iisipin ang kasal.
Pero siyempre, ‘yung dati pang gusto niya na ikasal sana siya sa simbahan sa kanilang lugar sa Taytay ay ganu’n pa rin naman daw hanggang ngayon. Gusto raw niyang ikasal sa lugar kung saan siya lumaki although, siyempre, iko-consult pa niya ito sa kanyang groom kung papayag ito.