Matapos magkaanak, Jolina aminadong ngayon lang may nahuhugutan sa pagda-drama

MANILA, Philippines – Mas hinubog pa ng pagiging ina ni Jolina Magdangal-Escueta ang kanyang pagiging aktres dahil ngayon ay mas handa na siyang sumabak sa mas mature na mga papel.

“Nakaka-relate na ako ‘pag may mga drama scenes kasama ang anak. Talagang naiiyak na agad ako kasi alam ko na ang pakiramdam e. Siguro ‘yon ang isang nagbago sa akin,” pahayag ng first-time-mom sa Tapatan ni Tunying na mapapanood ngayong Huwebes (Nobyembre 13).

Bukod dito ay nabago rin daw ng pagiging ina niya ang kanyang pananaw bilang aktres.

“Ngayong mommy na ako, may mga project na talaga akong pinipili. ‘Yong oras ko talagang inaayos ko nang maigi. Isa pa, hands-on parents kami ng asawa ko. Kumbaga, kung may papasok na proyekto, kino-consider ko ‘yong anak ko,” paliwanag niya.

Samantala, binuksan din ng orihinal na ka-love­team ni Jolina noong ‘90s na si Marvin Agustin sa episode na ito ng Tapatan ni Tunying ang buhay niya bilang ama. Ayon kay Marvin, kahit pa puno ang kanyang schedule sa pag-aartista at pagpapatakbo ng restaurant chains at iba pang negosyo, hindi naman daw siya nawawalan ng oras sa kanyang kambal na anak.

“Kapag sila ang tumawag, ‘yan ang hindi ko matatanggihan kasi ‘di ko alam kung baka anong mangyari. Hindi ko sila kasama kaya sila lang ‘yong rason kung bakit mapapa-excuse ako sa meeting para sagutin ang tawag nila,” kwento ni Marvin.

Matapos ang mahigit na isang dekada, muling magtatambal sina Jolina at Marvin sa teleseryeng Flordeliza na magsisimula na ngayong November.

Huwag palampasin ang Tapatan ni Tunying ngayong Huwebes (Nobyembre 13), 4:30 p.m. sa Kapamilya Gold ng ABS-CBN.

Show comments