Jaclyn nasasaktan sa nangyari kay Andi

Bilang isang ina, nasasaktan nga ang award-winning actress na si Jaclyn Jose sa mga panibagong batikos sa kanyang anak na si Andi Eigenmann.

Nabalita kasing break na ito kay Jake Ejercito at ngayon ay nakitang nakikipag-date na ito sa baguhang aktor na si Bret Jackson.

Napabungtong-hininga na lang si Jaclyn nang ito ang maging tanong sa kanya ng media sa press launch ng bayaniserye na Ilustrado kunsaan gumaganap siya bilang si Conchita Monteverde.

“Masakit para sa isang ina na tulad ko na nababasa ang mga masasakit na words against my daughter.

“Pero sa tingin ko naman, sanay na si Andi sa mga bashers at haters niya. Parati na lang kasing may ganyan tuwing may issue sa lovelife niya.

“Bilib naman ako kay Andi kasi natututo na siyang mamuhay sa industriya na ito. Kailangan talaga matatag ang loob mo—hindi ka dapat magpakita ng weakness or else ikaw ang matatalo.

“Matapang ang anak ko pero sometimes mararam­daman mo na vulnerable din siya. Ang importante, you stand your own ground. Kumbaga, laban ka lang nang laban,” diin pa niya.

Alam daw ni Jaclyn kunsaan nagsimula ang pagi­ging independent minded ni Andi dahil noong bata raw ito, halos hindi raw niya ito nabantayan dahil single parent nga siya at kailangan niyang magtrabaho para mabuhay sila.

“Hindi naman siguro masama ang ginawa ko. I worked 24/7 para sa aming mag-ina. Nag-iisa lang ako no’n at kailangan naming kumain at matustusan ko ang pag-aaral ni Andi.

“Pero ang kapalit nga no’n, hindi ko siya naaalagaan. I wasn’t present all her life. Sinasabi niya nga sa mga interview niya noon na gumigising na mag-aalmusal, gumigising siya the next day, nag-aalmusal pa rin mag-isa.

“Wala naman akong pinagsisihan sa mga nangyaring iyon. Kung papipiliin ako kung trabaho o pamilya, ang pipiliin ko pa rin, trabaho.

“Ganon ko kamahal ang pamilya ko. Ano ang ipakakain ko sa kanila kung ihuhuli ko ang trabaho?

“Kaya pakiramdam ko, tama ang ginawa ko. Kahit sinong ina ay gagawin iyon. May maisasakripisyo ka lang talaga.

Wish nga ni Jaclyn na maipasa ni Andi ang lahat ng mga natutunan nito sa kanya sa kanyang apo dito na si Ella dahil tulad niya, single parent din si Andi.

Allen hindi makapaniwalang nanalo sa Harlem Int’l Filmfest

Maituturing na ngang international award-winning actor na ang dating sexy actor na si Allen Dizon dahil sa pagkapanalo nito ng kanyang unang international award bilang best actor sa Harlem International Film Festival in New York para sa pelikula niyang Magkakabaung (The Coffin Maker).

Idinirek ito ni Jason Paul Laxamana, ang director ng mga critically acclaimed indie films na Babagwa at Astro Mayabang.

Nataon naman na nasa New York si Allen kaya personal niyang natanggap ang kanyang best actor award sa naturang festival.

 “I went to New York para manood ng tennis sa U.S. Open. Then my manager, Dennis Evangelista, told me to join him and Direk Joel Lamangan sa Harlem Filmfest. Nandoon si Direk Joel dahil imbitado ang isa pang movie namin na Kamkam.

“Sa screening ng Magkakabaung, grabe ang ganda ng response ng audience, mixed na Pinoy at foreigners. Noong awards night, hindi kami umaasa, lalo ako. Tapos, nang tawagin ang name ko as best actor, nagulat ako kasi hindi ako makapaniwala.

Dadalhin naman sa Hanoi International Film Festival sa Vietnam this November ang Magkakabaung. Tapos ay ipapalabas din ito sa Hong Kong Asia International Film Festival.

“Isasali rin ang movie sa New Wave category ng Metro Manila Film Festival this December. Sana mapili kami para maipapalabas na ito sa mga sinehan natin this December.”

May tinatapos naman na bagong indie film si Allen titled Daluyong kung saan makakasama niya si Diana Zubiri. Tungkol naman ito sa isang babae na nabuntis ng baguhang pari.

 

Show comments