Hindi itinago ng Kapuso Primetime Queen Marian Rivera ang galit niya noong Martes sa mga anak ng napiling contestant sa segment na Juan For All All For Juan sa Malate, Manila. More than sixty years old na ang contestant at nang tanungin kung ano ang trabaho nito, ang sagot ay nagtitinda siya ng balot sa gabi at naglalabada sa araw para may ibuhay siya sa mga apo niya dahil walang trabaho ang mga anak niya.
Nagkataong naroon ang dalawang anak na lalaki nito, kaya hindi nakapigil si Marian na pagsabihan sila, lalo na iyong isa na tatawa-tawa pa habang kinakausap niya. Alam namin ang feelings ni Marian, dahil very close siya sa lola at mama niya, kaya hindi siya makapaniwalang may mga taong nagagawa iyon sa ina nila.
Nangako naman ang dalawang anak na sa mga natanggap ng ina nilang mga premyo mula sa Eat Bulaga, magbabagong-buhay na sila.
Valerie ayaw pumatol sa mga naninira
Ikinagulat ni Valerie Concepcion na binabati siya dahil ikakasal na pala sila ng boyfriend niyang si Khristopher Tumambing na kaga-graduate pa lamang ng Medicine at this month kukuha ng medical board examination. Wala raw katotohanan na ikakasal na sila, pero nagbigay sila ng two years na taning kung saan doctor na talaga ang boyfriend at siya naman ay graduate na ng Business Administration major in Marketing.
Sa ngayon, nakararanas ng bashing sa social media si Valerie mula sa mga sumusubaybay ng family drama series nilang My BFF dahil sa role niya as Lavender na siya pang naghahabol kay Christian (Janno Gibbs) ganoong may asawa na ito, si Lyn (Manilyn Reynes) at mga anak, sina Chelsea (Jillian Ward) at Rachel (Mona Louise Rey).
Hindi raw niya pinatulan ang pangba-bash sa kanya kahit sinabi nilang ganoon daw siya talaga sa tunay na buhay na siyang naghahabol sa lalaki, dahil hindi naman totoo. Gusto niya ang role niya sa serye na idinidirek ni Dick Lindayag.
First time daw kasi niyang mag-portray na naloloka.
Gabby at Gardo bading na bading na hanggang bahay!
Ang husay-husay gumanap na mga beki nina Gabby Eigenmann at Gardo Versoza sa afternoon prime drama series na Dading. Pero totoo bang nadadala na nila ang character nila sa bahay nila? No problem daw naman kay Gabby na kung minsan ay naitutuloy niya ang character niya sa bahay dahil alam naman ng mga anak niya na ganoon ang role na ginagampanan niya. At siya naman ay sure na sure sa kanyang gender.
No problem din kay Gardo kung minsan na umuuwi man siyang naka-make-up pa bilang isang beki, dahil sanggol pa ang kanyang anak. Pero he sees to it daw na hindi siya lumalapit sa baby girl niya na naka-make-up pa at mahaba ang buhok. Sobrang ini-enjoy daw ng dalawa ang roles nila, lalo na si Gabby, na dramang-drama ang mga eksena na labis na nagmamahal sa kanyang wife na si Beth (Glaiza de Castro) at anak na si Precious, kahit lagi namang umieksena si Joemer (Benjamin Alves) ang tunay na ama ni Precious. Si Gardo naman ang nagbibigay ng comedy relief sa madadramang tagpo sa serye.