MANILA, Philippines - Muling bibigyang buhay ang mga natatanging kwento mula sa Bibliya simula ngayong weekend sa pagbabalik ng paboritong classic anime na Superbook na mapapanood sa bago nitong tahanan, ang ABS-CBN.
Ganap na ngang Kapamilya sina Chris, Joy, at Gizmo matapos pormal na lagdaan ng ABS-CBN ang kasunduan sa CBN Asia para ipalabas ang Superbook Classic at bagong 3D version na Superbook Reimagined.
“Layunin ng ABS-CBN na turuan ang kabataang Pilipino ng magagandang asal sa pamamagitan ng mga kwentong hango sa Bibliya na ipapakita sa mas masaya at mas nakakaaliw na paraan. Ang panonood ng Superbook ay magandang bonding activity para sa buong pamilya,” sabi ni Evelyn Raymundo, head ng ABS-CBN Integrated Acquisition and Distribution.
Ang Superbook Classic ay ang anime version na unang minahal ng mga Pilipino noong 1980s. Muling ipapalabas ang mga episode nito na nakasalin sa wikang Filipino nang sa gayun ay mas maraming kabataan ang makaunawa at makapulot ng magandang aral mula rito.
Ang Superbook Reimagined naman ay ang bagong edisyon ng Superbook series na ginawa para mas mahimok ang kasalukuyang henerasyon na manood gamit ang hi-tech na effects at graphics.
“Maraming mga magulang na lumaki sa Superbook at ngayon pagkaka-taon naman ng mga anak nila na mapanood ito,” sabi ni Katha Inocencio, vice president for production ng CBN Asia.
“Excited kami kasi maraming bata, kasama na rin ang kanilang pamilya, ang makakapanood muli ng mga palabas na ito at sabay-sabay silang matututo sa mga exciting Bible story na ipapakita rito,” dagdag ni Icko Gonzalez, project head ng Superbook.
Mapapanood ito tuwing Sabado na nag-umpisa kahapon, 9:30 AM bago ang Promil I-Shine Talent Camp 3, at Superbook Reimagined ngayong Linggo (July 13), 9:30 AM, bago ang Matanglawin.
Maraming barya ipakikita sa AHA
Ngayong Linggo ng umaga sa AHA!, aalamin ni Drew Arellano kung paano ginagawa at bakit nga ba mahalaga ang bawat sentimo.
Kikilalanin din ni Drew ang isang Brazilian coin artist na lumilikha ng mga obra gamit ang barya bilang canvas. Tuturuan din niya ang mga Kapuso na gumawa ng sariling coin masterpiece kasama sina Bdick at Ever.
Aalamin naman ni Madam Boobay ang coin history sa Pilipinas at sisilipin ang iba’t ibang barya na ginamit bilang pera o currency mula noon hanggang ngayon.
Kikilalanin din sa AHA! ang ilang mga numismatist o kolektor ng iba’t ibang barya. Pero totoo nga bang ipinagbabawal ng batas ang pag-iipon at pangongolekta ng maraming barya?
Samantala, samahan si Maey B. na matuto ng ilang coin tricks mula sa isang magician. Bubusisiin din niya kung paano nga ba pinagagana ng barya ang game arcade machine, vendo machine, phone booth at iba pang coin-operated machines.
Huwag palampasin ang nakatutuwang episode ng AHA! ngayong Linggo ng umaga, Hulyo 13, sa GMA 7.
Isko Moreno ipinagtapat kay Prof. Winnie ang ‘nangyari’ sa kanilang anak ni Erap
Ano ang mangyayari kapag nagkaharap ang isang laking Tondo at isang ‘di gaanong sanay sa wikang Filipino, lalo na sa mga salitang pabalbal?
Ilang nakatutuwang paliwanagan ang mangyayari sa paghaharap nina Prof. Solita Monsod at Manila Vice Mayor Isko Moreno sa programang Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie.
Sa episode na ito, idedepensa ng bise alkalde ang programa ng lungsod na paghihigpit sa mga trak at bus, na tinutuligsa ng iba’t ibang sektor. Nakaluwag nga ba ito sa trapiko sa lungsod?
Ikukuwento rin ni Moreno ang pagpapalaki sa kanya ng kanyang magulang at kung bakit siya madalas makatanggap ng ‘kulata’ o pamamalo noon. Idedetalye rin niya kung paano siya nasabak at nagtagal sa pulitika.
Haharapin din ni Moreno ang balitang nagkaroon siya ng relasyon sa isang anak ni Manila Mayor Joseph Estrada, na siyang dahilan ng paghiwalay nito sa asawa.
Abangan ang panayam ni Prof. Monsod sa Lunes, 10:15 ng gabi sa Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie sa GMA News TV Channel 11.
My Girl ibabalik din!
Pagkatapos ng matagumpay na tandem airing ng Meteor Garden noong summer, muling ipagpapatuloy ng Jeepney TV at ng ABS-CBN ang isa pang kakaibang throwback experience.
Ang original Korean drama at isa sa mga pinakapaboritong love story sa mundo ng mga Asianovela na My Girl ang babalik sa ere at mapapanood sa Jeepney TV at ABS-CBN simula Lunes (Hulyo 14).
Ang My Girl ay unang napanood ng bansa noong 2006 sa ABS-CBN, at dahil sa matagumpay na pagtanggap dito ng mga Pinoy ay nagawan pa ng Philippine adaptation ang serye pagkatapos ng dalawang taon.
Dadalhin ang mga manonood sa kwento kung saan nag-umpisa ang lahat—ang kwento ng dalagang si Jasmine (Lee Da-hae), na nabubuhay kasama ang kanyang amang adik sa pagsusugal.
Dahil sa mga utang ng kanyang ama ay lalayas ito upang magtago mula sa Jeju, ang isla kung saan sila nakatira. Dahil dito, mapipilitan si Jasmine na suportahan ang kanyang sarili at bayaran ang lahat ng utang ng kanyang tatay sa paraang pagbenta ng mga prutas na tinatakas niya galing sa isang hotel orchard at sa pagtatrabaho bilang tour guide sa Jeju.
Isang araw, makikilala niya ang nag-iisang heir sa L’Avenue Hotel fortune, ang binatang si Julian (Lee Dong-wook) na may kagustuhang ibigay ang dying wish ng kanyang lolo. Bahagi ng plano niya si Jasmine, kaya bibigyan niya ito ng offer ng monthly salary pati bonus para sa pagkukunwari nito na iba siyang tao. Dahil sa mga kakaibang kaganapan, mapipilitan sina Julian at Jasmine na tumira sa isang bahay, at sa paglipas ng panahon ay magkakagustuhan ang dalawa pero dahil sa pagkukunwari ni Jasmine na siya’y ibang tao, maaari bang matuloy ang pagmamahal ng dalawa?
Muling balikan ang kwento na ito sa pagbabalik ng My Girl sa Philippine TV ngayong Lunes (Hulyo 14).