CCP at NCCA pinagkakaisahan pa rin si Dolphy?!
Siguro kung gusto man ng presidente na gawing National Artist si Mang Dolphy, ay wala rin naman siyang magagawa, kasi mayroon na ngang jurisprudence. Sinabi ng Korte Suprema na ang presidente ay may prerogative kung sino ang idedeklara niyang National Artists pero hindi niya maaaring dagdagan ang listahang isinumite ng panel ng CCP at NCCA.
Nangyari iyan dahil doon sa naging legal question nang alisin ni Gloria Macapagal Arroyo (GMA) ang ibang inirekumenda nila, tapos idinagdag sina Carlo Caparas, Cecille Guidote Alvarez, Pitoy Moreno, at Francisco Manoza. Inilaglag din ni Gloria si Ramon Santos na ngayon ay idineklara nga ni P-Noy bilang National Artist matapos na ang pangalan niya ay muling isinumite sa presidente. Nagbigay na ng final decision ang Korte Suprema na pinawawalang saysay ang deklarasyon ni GMA na ang apat ay National Artists. Nilimitahan din nila ang choices ng presidente kung sino man ang irerekumenda lamang sa kanya.
Halos lahat ng presidente nagdagdag sa listahan. Noong 1982, idinagdag ni Presidente Ferdinand Marcos si Carlos P. Romulo bilang National Artist for literature. Noong 1989, gumawa ng bagong kategorya si Presidente Ramos, iyong “historical literature” at isinama sa listahan si Carlos Quirino na isang matalik niyang kaibigan. Noong 1999 idineklarang National Artist for music ni Presidente Erap Estrada ang kanyang kaibigang si Ernani Cuenco, bago pa man dumating ang listahan ng NCCA at CCP, kaya ang proklamasyon para kay Cuenco ay may mas maagang petsa kaysa sa iba. Noong 2006, idinagdag ni GMA sina Soc Rodrigo at Abdul Mari Asia Imao. Noong 2009, nagdagdag na naman nga si GMA ng apat pa, kaya nagkaroon ng kaso sa Korte Suprema. Lahat ng mga ipinroklama ni GMA ay sumagot sa tawag ng korte maliban kay Pitoy Moreno na hindi nagpakita ng interest, dahil hindi naman niya hiningi iyon.
Nakakita nga ng abuso ang Korte Suprema sa ginawa ni GMA. Nagdagdag man ang mga naunang presidente, wala naman kasing umangal. Pero binawalan mang magdagdag, hindi inalis ng Korte Suprema ang karapatan ng presidente na magbawas o huwag ideklara ang sinuman sa listahan.
Dahil sa matinding panawagan ng mga taong bayan na gawing National Artist si Dolphy, na hindi nga magawa ng presidente dahil hanggang ngayon ayaw siyang i-nominate ng CCP at NCCA dahil sa protesta ng mga bakla noon, ginawaran siya ng presidente ng medalyang Order of the Golden Heart, na mas mataas nga kaysa sa National Artist. Si Mang Dolphy ang pangalawa pa lamang nabibigyan noon. Ang unang nabigyan ay si Helen Keller.
Miguel kilala na bilang bulol, dapat bigyan agad ng ibang project
Palagay lang namin, dapat magkaroon agad ng ibang role iyang si Miguel Tanfelix pagkatapos ng kanyang seryeng Niño. Natatanim na kasi sa isip ng mga tao ang kanyang character na medyo bulol. Baka naman ma-type cast siya sa ganoong role, dahil sa totoo lang, ang daming nanonood niyang Niño, lalo na nga’t ineendorso iyan ng maraming mga pari.
Kung iisipin mo, at titingnan mo ang kanyang hitsura, aba eh maaaring maging matinee idol iyang si Miguel, at sa ipinakikita niyang kahusayan kaysa sa ibang leading men ng network nila. May ibang leading men sila na talagang puwede lang sa roles ng taong tuod.
Iyang mga ganyang artista na makikita mo namang may potentials, iyan ang dapat na nilang alagaan na talaga. Mahirap nang humanap ng ganyan.
- Latest