MANILA, Philippines - Sa tradisyon ng paghahatid ng mga hit Asianovelas sa kasaysayan ng Philippine television, ipapalabas muli ng GMA Network ang well-loved Koreanovela na Jewel in the Palace sa Afternoon Prime block simula ngayong Lunes (Mayo 26).
Kilala bilang isa sa mga highest-rating Asianovelas sa Pilipinas, nakatakdang magbalik ng mga alaala ang Jewel in the Palace sa weekday afternoons ng mga manonood dahil sa nakakaantig na kuwento nito, maÂtitinding mga eksena, at mahuhusay na pagganap ng mga cast.
Dahil naging matagumpay ang pagpapalabas ng Jewel in the Palace sa Pilipinas, dinalaw pa ng dalawa sa mga artistang kasali rito na sina Yang Mi Kyung na gumanap bilang Lady Han at Jo Jung Eun na gumanap bilang batang Jang Geum ang kanilang mga Filipino fans.
Siguradong mapupukaw muli ang interes ng mga Pilipino dahil itinatampok sa Koreanovela series na ito ang makasaysayang kuwento ni Seo Jang Geum (Lee Young Ae), isang court lady sa Royal Kitchen na matapang na hinaharap ang mga pagsubok upang maging kauna-unahang female physician sa Royal Palace.
Dahil sa kanyang pagkakaroon ng busilak na puso, unti-unting mahuhulog ang loob sa kanya nina Min Jung Ho (Ji Jin Hee), isang respetadong militar na nagsisilbi bilang isang royal guard sa palasyo at Haring Jungjong (Im Ho), ang ika-11 na hari ng Chosun Dynasty. Magkakaroon naman ng isang matinding problema nang malaman ni Choi Geum Yong (Hong Ri Na), ang matagal nang kalaban ni Jang Geum sa Royal Kitchen, na mayroon palang espesyal na pagtingin ang first love nitong si Jung Ho para kay Jang Geum.
Panoorin at subaybayan ang rerun ng phenomenal Koreanovela na Jewel in the Palace na bibihag sa mga puso ng mga manonood simula ngayong Lunes, 5:00 p.m. sa GMA Afternoon Prime.