Nakabalik na si Councilor Cristina “Kring-Kring†Gonzales-Romualdez sa Tacloban, Leyte kahapon Sabado. Pero dumaan muna siya sa GMA Network para sa request ng kolumnistang si Aster Amoyo na mag-guest siya sa Walang Tulugan with Master Showman sa kanyang segment doon.
Hindi nauubusan ng kuwento si Kring-Kring ng kanyang karanasan sa katatapos na Super Typhoon Yolanda. Panay daw ang pray niya habang lumalangoy silang paikut-ikot na mag-iina sa loob ng kanilang bahay dahil mistulang dagat na ito matapos pumasok ang tubig. Ang tanging apat na sulok na lang ng pader ang nagsisilbi nilang proteksiyon dahil natanggal din ang bubungan ng kanilang bahay. Dalawang oras silang nakakapit sa pader kasama na ang kanilang driver at kasambahay hanggang sa bumaba ang tubig. Wala that time ang kanyang asawang si Mayor Alfred Romualdez dahil nag-aasikaso ito sa labas ng bahay nung bagyo.
“Si mommy kalmado at panay ang hawak sa amin habang nagdarasal,†ang narinig ni Kring-Kring sa panganay niyang anak habang nagkukuwento ito sa kanilang lola na iniwan niya muna ngayon bago siya bumalik sa probinsiya.
Ikinuwento pa ni Kring-Kring na maraming pulis ang nasawi sa airport ng Tacloban na naka-duty doon dahil naka-schedule raw talagang dumating si P-Noy kinabukasan para nga bumisita sa kanilang lugar.
Sa kabila pa ng masamang nangyari ay walang sinisisi si Kring-Kring na ang bukang bibig ay “paglaum†na salitang Bisaya na ang ibig sabihin ay pag-asa. Bibilib ka rin sa dating aktres na naging pulitiko na dahil wala rin siyang sinisisi sa masaklap na trahedya ng kanilang bayan.