Leonardo hindi inspirado sa Gatsby!

Hindi ako gaanong kumbinsido sa bagong pelikula ni Leonardo DiCaprio na The Great Gatsby kasama si Tobey “Spider-Man” Maguire. Ito ay personal na opinyon lang naman saka unang-una ay hindi ako fan ng mga pelikula na nasa era ng ’20s-‘40s. Isa lang iyon sa mga panahon, katulad din ng Medieval period, na walang magnet sa aking mga mata maliban na lang kung talagang napakaganda ng istorya.

Ang The Great Gatsby ay isang kla­sikong nobela ni F. Scott Fitzgerald nung 1925 na isinapelikula ngayon sa di­reksiyon ni Baz Luhrmann na isa rin sa dalawang nagsulat ng screenplay. Isa itong romantic drama pero hindi happy ending ang mga bida at naging kaawa-awa pa nga si Jay Gatsby (DiCaprio). Sa matinding sakri­pisyo sa ngalan ng pag-ibig, hayun at maitutulad ang kapalaran ni Gatsby sa mga lalaking bida sa kuwentong Romeo & Juliet at Titanic. Ginampanan pareho ni DiCaprio ’yun pero mas kawawa ang karakter niya bilang Gatsby dahil hindi napantayan ang kanyang pagmamahal ng babaeng minimithi niya, si Daisy Buchanan (Carey Mulligan).

Hindi nakakabilib ang akting dito ni Leo­nar­do kung sanay na tayo sa ganun niyang formula. Mukhang hindi siya inspirado ngayon. Medyo ma­ta­gal pa nga siyang lumabas sa umpisa ng pelikula kaya iisiping mas hawak ni Tobey ang istorya bilang ang kanyang kaibigan, writer, at narrator na si Nick Carraway.

Sa kasamaang palad, hindi rin espesyal ang ipinakitang atake ni Tobey dahil para lang siyang gumaganap sa role niyang Peter Parker sa Spider-Man — mabait at inosente. Siya ang pinsan ni Daisy na nakumbinsi ni Gatsby para i-set ang muling pagkikita ng ex-couple pagkatapos magkahiwalay ng limang taon.

Isa pang pumalpak na paraan na gawing moderno ang lumang kuwento ay ang pagsasalin ng film adaptation nito sa 3D format. Maraming eksena ang hindi na kailangang i-3D pa at halos wala ring pagkakaiba sa regular na istilo. Kahit subukan n’yo pang tanggal-tanggalin ang 3D glasses na suot.

Pero kung may umangat sa pelikula sa layunin nitong maging makabago at nang magka-appeal naman sa kabataan, ito ay ang pagpili ng mga inilagay na kanta sa original soundtrack. Para sa ibang nakapanood ay pangit. Para sa akin ay nakabawi nga rito ang produksiyon. Maganda ang paglalapat ng musika sa ilang eksena. Hindi naman naging weird ang kombinasyon. Bumagay ang mga kanta nina Jay-Z, Lana del Ray, Jack White, at marami pang iba. Kahit sina Leonardo at Tobey ay may kanta rin na ginamit bilang importanteng linya sa pelikula, ang Can’t Repeat the Past.

Ang soundtrack ay hiphop sa kabuuan na kung bibilhin siguro ng hindi napapanood ang pelikula ay baka matabang ang timpla o hindi magagandahan ang makakapakinig, lalo na kung ayaw sa hiphop. Pero kung galing na sa sinehan at saka nakapakinig ng album ay maiintindihan ang kinalabasan ng mga pinagsa-samang 21 songs. Intensiyon daw talaga ng pelikula na gawing ganun ang soundtrack para sa­bayan ang “party scenes” na laging ginagawa ni Gatsby sa kanyang mala-palasyong tahanan.

Kung kabilang n’yo ako sa mga hindi nabasa ang nobela ni Fitzgerald, at ayaw nang magbasa pa, isang magandang shortcut na rin ang eskapo sa panonood ng The Great Gatsby nina DiCaprio at Maguire para makilala ang misteryosong karakter ni Jay Gatsby.

May ipare-rebyu? E-mail: kibitzer.na.nicher@gmail.com

 

Show comments