Nagkaroon ng isang simpleng media launching ang bagong batch ng mga artista, na tinawag nilang Star Magic Circle 2013. Pero may mga nakapuna nga, kung noong araw ang inilalabas nila sa Star Circle ay talagang mga baguhan na hindi pa lumalabas kahit na saan, ngayon ay meron na silang isinama na talagang mga artista na nila at ang iba nga ay nagkaroon na ng mahahalagang role sa mga high-rating series nila kaya kilala na ng mga tao.
Pero management decision nga raw iyon dahil naniniwala sila na ang mga star nila ay kailangang mas bigyan nila ng push at training pa na mas magagawa kung sila ay nasa Star Magic.
Ang mga ini-launch nila nung isang araw ay kinabibilangan nina Alex Diaz, Ingrid dela Paz, Jerome Ponce, Jane Oineza, Jon Lucas, Khalil Ramos, Liza Soberano, at Kit Thompson.
May mga anak din ng mga artista, kagaya nina Janella Salvador na anak nina Janine Desiderio at Juan Miguel Salvador, si Julian Estrada na anak ni Sen. Jinggoy Estrada at apo ni dating Presidente Erap, at si Julia Barretto na anak naman nina Marjorie Barretto at Dennis Padilla.
Ang isa sa kanila na matagal naming nakakuwentuhan, si Michelle Vito, ay nagsabing anak naman daw siya ni SPO1 Michael Vito ng MPD Station 6.
Si Julian ay nagsabing ang gusto niyang sundan ay ang mga yapak ng kanyang lolong si Presidente Erap dahil bilang isang actor ay hindi naman matatawaran ang kakayahan nun. Gusto niyang maging isang versatile actor na kagaya ng lolo niya.
Pero ang talagang naaliw kami sa kuwento ay ang kay Michelle. Naging kontrabida na siya sa Aryana at matutuwa ka sa kanya dahil inaamin niya ang mga mali niya kung minsan. May isa raw silang eksena na kailangan niyang umiyak pero hindi siya maiyak talaga. Bilang kontrabida nga raw, kailangang mataray siya at Inglisera, eh hindi naman siya ganun. Kaya bukod sa mga dinaanan niyang workshop, nag-enroll din siya sa Speech Power para mas maayos ang kanyang mga English dialogue. Ngayon may voice lessons din siya.
Talaga raw pinagbubuti niya dahil sabi nga ni Michelle ay gusto niyang patunayan sa kanyang paÂmilya, lalo na sa tatay niyang pulis, na may mararating talaga siya bilang isang artista.
Sana nga mabigyan ng magandang pagkakataon sa showbusiness ang mga batang ipinakilala dahil mukhang lahat naman sila ay talented.
Aktor na nagtatrabaho na sa abroad tuliro, misis winaldas ang mga perang padala, anak nag-birthday na nakatunganga lang!
Talagang balibat ang ulo ng isang dating aktor na ngayon ay nagtatrabaho na sa isang hotel sa abroad. Nalaman niya kasi na ang ipinadadala pala niyang pera ay hindi nailalagay sa ayos. Wala silang naiipon at pati ang kanyang mga anak ay kinakapos kung minsan.
Waldas pala sa pera ang kanyang asawa. Pati ang pera na ipinadala niya para sa birthday ng kanyang anak, winaldas pa ng misis niya kaya noong birthday mismo ng bata lahat sila ay nakatunganga lang.
Gusto na niyang hiwalayan ang misis niya. Kung ganyan nga ba eh dapat lang.