Hindi katulad ng iba na ‘binili lang sa Recto’: award ni Coco mukhang lehitimo
Nanalo noong isang araw sa isang film festival sa India ang isang indie film na ginawa ni Coco Martin. Ang sabi nila, tinalo ng kanyang pelikula ang 13 iba pang mga pelikula mula sa iba’t ibang bansa. Ang festival ay ginanap sa Kerala, India.
Naniniwala kami sa panalong ’yan ng pelikula ni Coco kasi hindi puro daldal lang eh. Hindi puro salita lamang ang panalo tapos ay may ipapakitang isang plake na nagsasabing iyon ang kanilang award. Eh hindi ka na kailangan pang magpunta sa abroad para makakuha nang ganun. Gumawa ka na lang ng pangalan ng isang film festival maski nga sa buwan pa, ipagawa mo sa Recto St., Manila. ’Tapos maglakad ka nang kaunti papunta roon sa may Lerma, maipapalagay mo na ’yung plake sa magagandang kuwadro at talagang magmumukha na ngang isang lehitimong award, mura pa ang gastos.
Eh itong pelikula ni Coco, nang manalo, ay naniniwala kaming isang lehitimong film festival ang sinalihan dahil bukod sa trophy ay may napanalunan silang pera na nagkakahalaga ng tatlumpung libong dolyar. May incentive na pera.
Kung iisipin nga, maliit pa rin iyon. Halimbawa’y nagpadala sila ng isang kinatawan na lamang sa filmfest na iyon, magkano na ang pamasahe papuntang India? Kulang pa rin ang kanilang napanalunan. Kesa naman doon sa nagsisimula sa kuwento at natatapos lamang sa kuwento. Iyong mga dumarayo pa sa film festivals para lang magkaroon ng photo opportunity na makunang naglalakad papunta sa festial hall pero wala namang nakakakilala sa kanila at pumapansin doon. Nakakahiya pa.
Kaya pala ang photos nila, sinasabing sinalubong ng fans pero puro close up naman ang pictures at walang makitang sinasalubong nga sila ng fans.
Jessica Sanchez at isa pang talunan sa American Idol may concert sa Araneta
Magkakaroon daw ng Valentine concert sa Smart Araneta Coliseum ang Mexican citizen na si Jessica Sanchez, na runner-up sa American Idol. Makakasama niya sa nasabing concert ang isa pang talunan din sa American Idol na si Dixon Colton. Pero siyempre kahit na concert ng dalawang talunan pa iyon, bibigyan sila tiyak ng matinding publisidad dahil sa American Idol.
Siyempre gagamitin din naman ni Jessica ang sinasabing pagkakaroon ng Filipino blood niya kahit na sa maraming pagkakataon ay tinanggihan niyang awitin ang Lupang Hinirang at piniling kantahin ang national anthem ng US at ng Mexico.
Ang mga ganyang personalidad, sabihin mo mang may bahid ng dugong Pinoy, walang makukuhang suporta sa amin ’yan. At saka totoo naman, mga talunan sila sa isang contest eh ang dami rin naman nating mga contest dito sa atin na ang mga nanalo ay mas magaling pa sa kanila.
Nang-massacre sa Connecticut, sira-ulo!
Salamat sa Diyos, dito sa Pilipinas ay walang sira ulong kagaya ni Adam Lanza na nag-massacre ng mga walang malay na bata sa isang eskuwelahan sa Connecticut, USA.
Dalawampung bata ang patay at ang nanay ng suspect na sinasabing isang teacher sa eskuwelahan ding iyon ay natagpuang patay at nag-suicide naman sa kanilang sariling bahay.
- Latest