Bagong MTRCB chief nagsimula nang magtrabaho!

Nagsimula nang manungkulan ang bagong Mov­­ie and Television Review Classification Board (MTRCB) chairman na si Eugenio ‘‘Toto’’ Vil­lareal noong Miyerkules. Nangako si Atty. Villareal na higit na tutugon sa mga pangangailangan ng pelikula at telebisyon sa bansa. Pinalitan niya ang ngayon ay senatorial candidate na si Grace Poe Llamanzares.

Ang batikang direktor na si Emmanuel Borlaza na dating officer in charge ng MTRCB for a few weeks ay nanatili sa No. 2 position ng board.

Cristine kursunada ni Sen. Koko

Aminado si Sen. Koko Pimentel na may kursunada siya kay Cristine Reyes. ‘‘Nalalaglag ang puso ko sa tuwing nasasalubong ko si Cristine sa corridor ng ABS-CBN,’’ pagtatapat ng ngayon ay loveless na mambabatas.

Pakiusap pa niya sa showbiz press, na nakilala for the first time, ay ihanap siya ng partner.

Simula noong mahiwalay sa kanyang misis, hindi pa siya naging officially linked sa isang chicka-babes. Maayos naman ang relasyon nila ng dating mag-asawa, habang inaayos ang mga legal na aspeto ng kanilang breakup.

Natutuwa naman ang senador na mahihiram niya ang kanyang mga anak from their mother. Last Christmas, kapiling niya ang mga bata. Kaya ngayong Pasko, sa kanilang ina sila magdiriwang ng holiday season.

Gustong makatulong ng senador sa entertainment industry kaya’t nagbigay siya ng Christmas party for the showbiz press. Sa pakikipag-ugnayan sa amin, nalalaman niya ang mga pangunahing kailangan ng sektor na ito sa ating bansa.

‘‘Ang unang dapat asikasuhin ay ang pagbabawas ng labis na taxes sa industriyang ito,’’ sabi ng senador na mukhang marami namang alam sa showbiz.

Kapapanalo pa lang ng ginawang TV plug ni Sen. Pimentel para sa advocacy for voter registration ng Adobo Magazine Ad of the Month for November-December para sa Zombie ad. Hinahangaan pati sa ibang bansa ang TV commercial dahil malinaw na nailahad nito ang mensahe sa paraang ’di tulad ng mga karaniwang political ad.

Itinatag na rin ni Sen. Pimentel ang Kontra Pandaraya movement upang ma­bigyan ng sapat na proteksiyon ang mga kakandidato sa darating na May 2013 elections.

Senador sa Italy bilib na bilib kina Direk Brillante at Nora

Pinuri ni Sen. Godofredo Bettini ng Italy sina Nora Aunor at Direktor Brillante Mendoza para sa kanilang award-winning film na Thy Womb.

‘‘Magnifique,” sabi ng Italian senator para kay La Aunor at Mendoza. Ang Italian lawmaker ang namamahala ng Movienov Italian Film Festival na may edition sa Italy, Rome, Bangkok, New Delhi, at Manila.

Napanood niya rin ang Captive na isa pang internatio­nally acclaimed film na dinirek ni Mendoza.

PR parang Tupperware sa kaplastikan

Napagkuwentuhan ang mga raffle sa mga Christmas party. Alam pala ng mga showbiz press na ang isang tupperware queen na PR ay hindi ipinasok sa computer ang pangalan ng mga writer na kinaiinisan niya noong nakaraang taon.

Kaya kahit magdamag silang magpa-raffle, imposibleng manalo ang mga name na siya mismo ang nag-alis sa listahan!

Bakit pa kaya niya kinumbida ang mga umasa sa walang members ng press?

Maribel Lopez kinakabog ng anak sa aktingan

Nahirang na best actress sa Cinema One Original Digital Film Festival Awards para sa kanyang first sexy role na pelikulang Palitan si Mara Lopez.

Bago tanggapin ng young actress ang papel na ginampanan sa Palitan, humingi muna siya ng permiso sa kanyang amang Hapones na dating husband ng kanyang inang si Maria Isabel Lopez.

Kinakabahan na ngayon si Maribel, na former Bb. Pilipinas, na malalampasan na ng kanyang anak na si Mara ang kanyang mga achievement as an actress. Kahit multi-awarded din ang beauty queen/actress, higit na batang nagsimula si Mara at ang feeling ng proud mother ay malaki pa ang chance ng kanyang daughter na tanghaling isang international actress.

 

Show comments