16 pamilya nasunugan sa Tondo, lalaki inakusahan ng arson
![16 pamilya nasunugan sa Tondo, lalaki inakusahan ng arson](https://media.philstar.com/photos/2024/06/13/4_2024-06-13_22-20-49.jpg)
MANILA, Philippines — Nasa 16 na pamilya ang apektado ng sunog na sinasabing sinadya na tumupok sa walong kabahayan sa Barangay 108, Capulong Road, Tondo, Maynila, Huwebes ng umaga.
Sa inisyal na ulat ng Manila Police District (MPD), nagsimula ang sunog sa bahay ng isang Ronualdo Oligario dakong alas-10:38 ng umaga kahapon.
Umakyat sa ikalawang alarma ang sunog dakong alas-11:49 ng umaga at pagsapit ng alas-12:06 ng tanghali ay idineklarang fire-out ng Bureau of Fire Protection (BFP).
May mga residente na nagsabing may narinig na putok ng baril sa gitna ng sunog, na hinihinalang may nagmamay-ari ng baril na residenteng nadamay sa sunog.
Wala namang naiulat na nasawi bagama’t may isang fire volunteer umano na nakuryente na hindi naman matindi ang injury.
Tinatayang nasa P300,000 ang halaga ng napinsalang ari-arian.
Samantala, isang lalaking residente ang itinuturong responsable sa sunog.
Ayon sa impormasyon na ipinarating kay Brgy. 108 Chairman Rodison Simbiling, ang ‘di pa tinukoy na lalaki ay makailang ulit nang nasangkot sa pagsusunog ng wire at tanso sa kanilang lugar.
- Latest