EDITORYAL - Pagtaas ng bilihin hindi na mapigilan
![EDITORYAL - Pagtaas ng bilihin hindi na mapigilan](https://media.philstar.com/photos/2025/02/07/pe_2025-02-07_22-32-45.jpg)
SA susunod na linggo ay may nakaambang pagtaas na naman ng gasolina. May petisyon naman ang transport groups na magtaas ng pamasahe sa dyipni. Ang dating P13 na minimum ay gustong itaas sa P15. Suhestiyon ng ilang grupo, suspendihin ang excise tax sa petrolyo para bumaba ang gasoline, diesel at kerosene. Walang tugon ang pamahalaan sa suhestiyon na itigil ang pagkolekta sa tax ng petrolyo.
Ang presyo naman ng mga pangunahing pangangailangan at bilihin ay inaprubahan na ng Department of Trade and Industry (DTI). Inilathala na sa mga pahayagan ang bagong suggested retail price (SRP) ng mga bilihin.
Ang mga pangunahing pangangailangan na nagtaas ng presyo ay ang mga sumusunod: sardinas, gatas, kape, noodles, tinapay, luncheon meat, meat loaf, corned beef, beef loaf, asin, bottled water, kandila, sabon, at battery.
Noong nakaraang linggo, inaprubahan ang House Bill No. 11376 na nagtatakda ng P200 across-the-board daily wage increase para sa mga manggagawa sa pribadong sektor.
Pero hindi pa man lubusang naipatutupad, marami na agad ang kumukontra sa wage increase. Unang-una na ang pribadong kompanya. Hindi raw kakayanin ang P200 na dagdag sa minimum wage. Marami raw ang magsasarang kompanya kapag ipinatupad ito. Hindi raw makatwiran ang ganitong pagtataas na ang kompanya naman ang magdaranas ng hirap.
Kaya wala pang nakikitang liwanag ang mga manggagawa sa pribadong sector. Walang kaseguruhan kung ang HB 11376 (Wage Hike For Minimum Wage Workers Act) ay maipatutupad o magiging bangungot. Ganunman, marami pa rin ang umaasa na maipagkakaloob ito para matugunan ang pagtaas ng mga pangunahing pangangailangan.
Sa report ng IBON Foundation noong 2024, ang minimum wage sa mahigit 17 rehiyon ng Pilipinas ay kulang na kulang para matustusan ang pangangailangan ng bawat pamilya para sa kanilang pagkain at iba pang pangangailangan.
Sa nangyayaring ito na hindi na mapigilan ang pagtaas ng mga bilihin, ang pamahalaan siyempre pa ang napagbubuntunan ng sisi. Walang ginagawa ang kasalukuyang pamahalaan para mapagaan ang bigat na dinadala ng mga karaniwang Pilipino.
Sa surbey ng Social Weather Stations (SWS) mula Enero 17-20, lumabas na hindi lubusang nagagampanan ng Marcos administration na makontrol ang pagtaas ng mga pangunahing bilihin.
- Latest