Converge konektado sa quarterfinals

MANILA, Philippines — Kumonekta ang Converge sa ikatlong sunod na panalo mula sa 152-119 paggiba sa Titan Ultra patungo sa quarterfinals ng Season 50 PBA Governors’ Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Tumipa si Juan Gomez de Liano ng triple-double na 32 points, 12 rebounds at 13 assists.
Itinaas ng FiberXers ang kanilang kartada sa 6-4 para sosyohan ang TNT Tropang 5G sa third place sa Group A papasok sa quarterfinals kasama ang NLEX Road Warriors (8-2) at San Miguel Beermen (7-3).
Talsik ang Giant Risers sa kanilang 2-8 marka kasama ang Terrafirma Dyip (4-8) at guest team Macau Giant Pandas (2-9).
Ang three-point play ni Alec Stockton ang nagbigay sa Converge ng 31-16 abante sa first period na kanilang pinalobo sa 44-22 sa second quarter.
Ngunit hindi bumitaw ang Titan Ultra at sa likod ni Joshua Munzon ay nakadikit sa 56-57 sa 2:41 minuto ng yugto.
Ang isang 14-4 atake ang muling naglayo sa Converge sa halftime, 71-60, bago ilista ang 86-66 abante sa third quarter.
Humataw ulit ang FiberXers sa final canto para iposte ang 130-105 bentahe sa huling 4:16 minuto.
- Latest
























