Hindi dapat nawawala
Maganda ang bagong sistema ng BIR. Pero sana naman, hindi lang maganda sa computer maganda rin sa serbisyo.
May bagong Document Tracking and Management System o DTMS ang Bureau of Internal Revenue para masundan ang galaw ng mga dokumento. Makikita kung nasaan ang papel, sino ang humawak at saan ito ipinasa. May sariling control number pa para hindi basta mawala sa kung saan.
Sa ordinaryong Pilipino, ang ibig sabihin niyan ay simple wala nang dahilan para sabihing “hindi namin alam kung nasaan ang papeles.”
Ilang beses na ba nating narinig ang mga katagang, “Balikan mo na lang,” “Nasa kabilang opisina,” o “Hanapin muna namin”? Para sa may pera at oras, baka maliit na abala lang. Pero para sa karaniwang taxpayer na kailangang mag-leave sa trabaho, gumastos sa pamasahe at pumila nang ilang oras, bawat pagkaantala ay may katumbas na pagod at gastos.
Kaya kung may teknolohiya nang kayang magturo kung nasaan ang dokumento at sino ang huling humawak nito, dapat wala nang pagtataguan kapag may sablay. Pero dito rin dapat bantayan ang sistema.
Dahil kahit pinakamagandang computer system pa ang gamitin, kung ang taong nasa likod nito ay mabagal, pabaya o walang pakialam, papel pa rin ang kawawang taxpayer na maipit.
Hindi sapat ang bagong programa. Ang kailangan ng tao ay bagong kultura ng serbisyo. Kung tracked ang dokumento, dapat tracked din ang pananagutan.
Kung alam kung sino ang humawak, dapat alam din kung sino ang dapat managot kapag pinabayaan. At kung may deadline ang taxpayer, sana may deadline rin ang gobyerno.
Dahil ang perang kinokolekta ng BIR ay galing sa taong-bayan. Kaya ang serbisyong ibinibigay nito ay hindi pabor. Karapatan iyon ng bawat taxpayer.
Ang bagong sistema ay magandang simula. Pero ang tunay na pagsusulit ay hindi kung gumagana ang software.
Ang tunay na tanong: gagana ba ang serbisyo?
Disclaimer: Ang artikulong ito ay opinyon. Hindi ito naglalayong magbintang o magparatang ng katiwalian laban sa sinumang opisyal o empleyado nang walang sapat na ebidensiya.
- Latest

















