EDITORYAL - Maghinay-hinay kay Napoles

GUSTO na raw ni ‘‘pork barrel scam queen” Janet­ ­Lim Napoles na maging state witness. Ito ang sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima noong Martes sa isang press conference. Nakausap daw niya si Napoles sa Ospital ng Makati at maraming sinabi sa kanya ukol sa scam. Idiniin daw ni Napoles ang tatlong senador – Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla na nakinabang sa kanilang pork barrel. Bukod sa tatlong senador, isinasangkot din umano ni Napoles ang 19 pang incumbent at dating senador, bagamat hindi ito kinumpirma ni De Lima. Hindi pa raw niya nababasa ang affidavit ni Napoles. Ang isang sinigurado ni De Lima, napakaraming sinabi sa kanya si Napoles at gusto raw nitong maging state witness hindi lamang sa pork barrel scam kundi pati na rin sa Malampaya. Ayon pa kay De Lima, mas maraming nalalaman si Napoles kaysa kay Benhur Luy, ang whistleblower.

Sa tipo ng mga pananalita ni De Lima, nahihiwatigan na parang gusto niyang maging state witness si Napoles. Tila kumbinsido siya sa mga nalaman mula kay Napoles at ito ang magiging susi sa paghahanap ng katotohanan. Bagamat una nang sinabi ng Justice secretary na pag-aaralan muna o ie-evaluate muna kung maaari siyang maging state witness. Hindi raw basta-basta maaaring maging state witness si Napoles.  Kailangan daw ang pag-evaluate ng Office of the Ombudsman.

Hindi naman talaga dapat magpadalus-dalos si De Lima sa kahilingan ni Napoles na maging state witness. Magiging katawa-tawa ang DOJ sapagkat nang ipatawag si Napoles ng Senado noon, sinabi nitong wala siyang nalalaman at nanumpa siya na magsasabi ng buong katotohanan. Ngayon ay bigla siyang nagkumpisal kay De Lima at idiniin na ang tatlong senador at nagdadawit pa. Dapat maghinay-hinay ang DOJ at pag-aralan muna ito. Huwag munang pagtiwalaan si Napoles sapagkat “kakaiba” ang takbo ng kanyang utak. Napagla­langan na niya ang taumbayan at nakakawat na ng P10-bilyon kaya hindi siya dapat basta-basta pagbigyan sa kahilingan. Hindi siya tanga na basta magpapahulog sa “patibong”.

Show comments