MANILA, Philippines - Patuloy ang pagtulong ng Villar Foundation sa isinasagawang relief operation ng iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan matapos bayuhin ng super bagyong Pablo ang ilang lalawigan sa rehiyon ng Visayas at Mindanao.
Ang Villar Foundation, sa pamamagitan ng managing director nitong si dating Las Piñas Rep. Cynthia Villar ay nagpadala ng libu-libong ‘food packs’ sa mga biktima ng bagyo sa Misamis Oriental, Surigao del Sur, Davao Oriental, Davao del Sur, at Compostela Valley, na kabilang sa mga lalawigang sinalanta ng bagyong itinuturing na isa sa pinakamalakas na humagupit sa bansa sa kasalukuyang taon.
Libu-libo ring ‘bottled water,’ mula sa Villar Foundation ang ipinamahagi sa mga biktima ng bagyo sa Davao Oriental. Namahagi rin ng daan-daang kumot, mga timba atbp. sa mga biktima partikular yaong nasa evacuation centers sa Mindanao na inilikas mula sa kanilang mga tahanan nang magsimulang rumagasa ang bagyong si Pablo noong nakaraang Martes.
Dahil sa dami ng mga taong napinsala ng bagyong si Pablo, sinabi ni Villar na hindi kakayanin ng pamahalaan na maibigay ang lahat ng pangangailangan ng mga ito.
“Kaya isa ito sa mga pagkakataong kailangan natin ang tulong ng bawat isa upang maibsan ang paghihirap ng mga biktima na sumasailalim sa pisikal at emosyonal na pagdurusa bunsod ng nagdaang unos. Marapat lamang na gawin natin ang ating makakayanan para matulungan ang ating mga kaawa-awang kababayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon ng anumang bagay na makatutulong sa kanila,” paliwanag pa ni Villar.
Binigyan diin ng dating kongresista na ang Villar Foundation, na itinatag ng kanyang asawang si Sen. Manny Villar Jr., ay tumutulong hindi lamang sa ating Overseas Filipino Workers. Ang Villar Foundation ay nagkakaloob din ng tulong sa mga biktima ng ganitong trahedya.
Aniya, ang mga kakaibang nagaganap ngayon sa ating klima dahil na rin sa tinatawag na ‘climate change’ ay isang malaking dahilan upang pag-ibayuhin natin ang kahandaan laban sa mga kalamidad para mabawasan ang mga nakaabang na pinsala.