Hatol ng Senado, tatanggapin ni VP Duterte
MANILA, Philippines — Tiniyak ni Vice President Sara Duterte na tatanggapin niya anuman ang maging desisyon ng Senado bilang impeachment court sa kasong kinakaharap niya.
Sa isang press conference nitong Biyernes, sinabi ng Bise Presidente na handa silang harapin ang anumang magiging hatol ng mga senador kaugnay ng impeachment trial.
“We will accept whatever it is that the judgement of the Senate impeachment court will give for the impeachment trial. We will all have to live with the consequences of this,” pahayag ni Duterte.
Sa kasalukuyan, ang tanging natitirang kasong dinidinig sa impeachment proceedings laban sa Bise Presidente ay ang alegasyon ng ill-gotten wealth o pagkakaroon umano ng yaman na nagmula sa ilegal na paraan.
Ito ay matapos ibasura o bawiin ng prosekusyon ang tatlo pang naunang artikulo ng impeachment complaint, dahilan upang ang naturang alegasyon na lamang ang manatiling sentro ng paglilitis.
Kaugnay nito, hindi naman nagbigay si VP Sara ng direktang tugon kung dadalo siya sa pagbababa ng Senate impeachment court ng hatol sa kanyang kaso.
Ibinunyag ni VP Sara na nais sana niyang katawanin ang kanyang sarili para sa impeachment ngunit hindi siya pinahintulutan ng kanyang mga abogado.
Sakaling ma-convict, inaasahang matatanggal sa puwesto si VP Sara at hindi na pahihintulutan pang makapuwesto sa pamahalaan at hindi na matuloy ang planong pagtakbo sa 2028 presidential election.
- Latest















