Pasaol aasahan ng FEU sa misyon
MANILA, Philippines — Ipaparada ng Far Eastern University si reigning MVP Janrey Pasaol para masikwat ang panalo kontra National University sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Pakay ng Tamaraws na makuha ang Final Four berth kaya asahang itotodo nila ang lakas para itaob ang Bulldogs ngayong alas-2:30 ng hapon.
Nais din ng defending champions De La Salle University na mabingwit ang panalo laban sa University of the Philippines sa alas-6 ng gabi.
“Sinasabi ni coach (Sean Chambers) lagi sa amin, kontrolado namin ‘yung destiny namin. Mahirap ‘yung parang last year, sa ibang team naka-depende. Ngayon, nasa amin talaga. Kailangan lang talaga game by game,” sabi ni Pasaol.
Magkatabla sa tuktok ng standings na may parehong 9-3 kartada, hangad ng Bulldogs at Fighting Maroons na masungkit ang ‘twice-to-beat’ advantage sa Final Four.
Magkasalo sa No. 3 spot ang FEU at DLSU na may magkatulad na 7-5 karta.
Subalit hindi lang sila ang may tsansa sa Final Four kundi maging ang University of Sto. Tomas.
Nasa No. 5 spot ang Growling Tigers sakmal ang 7-6 baraha, kaya ang pagkatalo ng Tamaraws at Green Archers ay maaaring magresulta sa three-way tie kasama ang UST.
- Latest

















