Finals rematch itatakda ng NU at UST
MANILA, Philippines — Pipilitin ng defending champion National University at University of Santo Tomas na maitakda ang kanilang title rematch sa pagsagupa sa magkahiwalay na kalaban sa 2026 Shakey’s Super League (SSL) Unity Cup knockout semifinals sa Ninoy Aquino Stadium.
Haharapin ng five-peat-seeking Lady Bulldogs ang Adamson Lady Falcons ngayong alas-3 ng hapon, habang lalabanan ng Golden Tigresses ang Far Eastern University Lady Tamaraws sa alas-5.
Ang dalawang tropang mananalo ang magtutuos sa best-of-three finals series para sa korona bukod sa P1 million cash incentive sa event na itinataguyod ng Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R&B Milk Tea.
Nasa isang eight-game winning streak ang NU, kabilang ang 25-18, 25-15, 23-25, 25-19 quarterfinals win sa Letran.
Sina veterans Vange Alinsug, Arah Panique, Chams Maaya at Sam Cantada ang muling bibida sa NU na tinalo ang Adamson sa Round of 8.
Si top hitter Shaina Nitura ang muling aasahan ng Adamson na tumalo sa University of the Philippines, may bitbit na ‘twice-to-beat’ bonus, sa quarterfinals sa torneong suportado ng Philippine Sports Commission, the Commission on Higher Education, Mikasa, Asics, Rigour Technology, Jersey Haven, Solar Sports at 12 Beyond Production bilang technical partners.
- Latest



















