4 panalo target ng Gilas papasok sa World Cup

MANILA, Philippines — May misyon ang Gilas Pilipinas sa tangka nitong makapasok sa 2027 FIBA World Cup na idaraos sa Doha, Qatar.
Ayon kay Gilas Pilipinas head coach Tim Cone, kailangan ng Pinoy squad na makuha ang apat na panalo sa huling dalawang windows ng FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Kung maisasakatuparan ito ng Gilas Pilipinas, mas lalong lalakas ang tsansa nitong makuha nag awtomatikong silya sa FIBA World Cup at hindi na kailangan pang dumaan sa iba pang qualifiying event.
Unang sasargo ang fifth window kung saan makakasagupa ng Gilas Pilipinas ang Syria sa Nobyembre 27 at ang Iran sa Nobyembre 29 na gaganapin sa Seremban, Malaysia.
Binabantayan ng Gilas Pilipinas ang laro ng iba pang teams upang makagawa ng game plan sa oras na magkrus ang kanilang landas.
Partikular na tinututukan ng Gilas Pilipinas ang Iran at Jordan na magiging karibal ng Pinoy cagers sa puwestuhan sa Group E.
“Its important to win our next four games,” ani Cone.
Ngunit sesentro muna ang atensiyon ng Gilas sa fifth window.
Wala nang pag-asa ang Syria na may 2-6 rekord.
Subalit lalaban pa rin ito upang magkaroon ng magandang pagtatapos ang kanilang kampanya sa qualifying event.
Pamumunuan ang Syria ni naturalized player D’Angelo Harrison.
Bagong naturalized player ito ng Syria na naglaro sa St. John’s University sa Amerika.
Malalim ang karanasan ni Harrison na nasilayan sa aksiyon sa mga torneo sa Turkey, Israel, Russia, France, Italy at sa mismong Syria.
Ngunit tatapatan ito ng Gilas Pilipinas sa ngalan ni Bennie Boatwright na lalarga na rin bilang naturalized player sa kauna-unahang pagkakataon.
- Latest



















