Eala swak sa Pan Pacific Open round of 16

MANILA, Philippines — Madaling iniligpit ni Pinay ace Alex Eala si British wildcard Mika Stojsavljevic, 6-1, 6-2, sa kanilang Round of 32 match sa Toray Pan Pacific Open kahapon sa Tokyo, Japan.
Hindi na pinaporma ng World No. 20 na si Eala ang No. 308 na si Stojsavljevic sa larong tumagal lamang ng isang oras at 15 minuto para umabante sa Round of 16.
Sina Eala at Stojsavljevic ay parehong US Open girls champions.
Sinabi ng Pinay tennis sensation na nananatili siyang nakatutok sa laro.
“I think it was super important today to be focused for every point, try to keep the intensity of the game,” sabi ng 20-anyos na si Eala matapos sibakin ang 17-anyos na si Stojsavljevic.
Kaagad hinataw ni Eala ang 5-0 kalamangan sa first set bago nakasingit si Stojsavljevic sa sixth game.
Tuluyan nang tinapos ni Eala ang first set sa 6-1 na kanyang itinuloy sa second set sa paglilista ng 3-1 abante.
Muling nakahirit ang British netter sa 2-3 hanggang angkinin ni Eala ang sumunod na tatlong laro para kumpletuhin ang kanyang straight-set win.
Sunod na makakatapat ni Eala si No. 38 Talia Gibson ng Australia na nagpatalsik sa kanyang kababayang si No. 74 Daria Kasatkina, 6-0, 7-5.
Nauna nang nasibak si Eala sa Round of 16 ng Ningbo Open sa China matapos ang 5-7, 4-6 kabiguan kay Russian Diana Shnaider.
Samantala, umatras na si Eala at Fil-American Desirae Krawcyzk sa WTA 500 Tokyo Open doubles tournament para tutukan ang kampanya sa singles event.
Nakatakda sanang labanan nina Eala at Krawcyzk sina Chinese Taipei Chan Hao-Ching at Japanese Miyu Kato ngayong hapon.
Sina Yulia Putintseva ng Kazakhstan at Liudmila Samsonova ng Russia ang papalit kina Eala at Krawcyzk.
- Latest

















