Eala sasagupa kay stojsavljevic
Sa round of 32 ng toray Pan Pacific Open
MANILA, Philippines — Sisimulan ni Alex Eala ang kampanya nito kontra sa isang wild card entry sa Toray Pan Pacific Open na magsisimula ngayong araw sa Tokyo, Japan.
Makakaharap ni Eala si Mika Stojsavljevic ng Great Britain sa first round ng naturang WTA 500 event.
Wala pang eksaktong oras ng laban nina Eala at Stojsavljevic base sa inilabas na schedule ng mga organizers.
Hawak ng world No. 20 na si Eala ang No. 8 seed sa torneo.
Si Stojsavljevic ay kasalukuyang No. 308 sa WTA rankings.
Nasa 17-anyos lamang si Stojsavljevic na nasa kaniyang unang season sa WTA Tour.
Sa kabilang banda, target ni Eala na matuldukan ang sunud-sunod na kamalasan nito sa Tour.
Galing si Eala sa kampanya sa Ningbo Open sa China kung saan nakaabot lamang ito sa second round.
Tinalo muna ni Eala si world No. 34 Diane Parry ng France sa first round, 6-3, 6-1, ngunit lumasap ito ng 5-7, 4-6 kabiguan sa kamay ni World No. 13 Diana Shnaider ng Russia sa second round.
Nauna nang natalo sa kaniyang unang pagsalang si Eala kay world No. 180 Tatiana Prozorova sa Singapore Open second round at kay No. 217 Shi Han sa Wuhan Open first round.
Sa Tokyo Open, masisilayan din si Eala sa doubles kasama si Grand Slam doubles champion Desirae Krawczyk na isang Filipino-American.
Si Krawczyk ay dating Philippine Columbian Association (PCA) Open champion noong 2010 sa Plaza Dilao, Manila.
Makakaharap nina Eala at Krawczyk sina Chan Hao-Ching ng Chinese-Taipei at Miyu Kato ng Japan sa first round.
- Latest

















