Farm Fresh, Akari target back-to-back wins

MANILA, Philippines — Ang ikalawang sunod na panalo ang kapwa hangad ng Farm Fresh at Akari sa kanilang salpukan sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab leg.
Maghaharap ang Foxies at Chargers ngayong ala-1 ng hapon, habang sa alas-6 ng gabi magkikita ang Choco Mucho Flying Titans at Galeries Tower Highrisers sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Magkasosyo sa liderato ang Creamline at Nxled hawak ang parehong 3-0 record kasunod ang Choco Mucho (2-1), Farm Fresh (2-1), Capital1 Solar Energy (2-2), Akari (1-2), PLDT (1-2), ZUS Coffee (0-3) at Galeries Tower (0-3).
Nagmula ang Foxies sa 20-25, 26-28, 25-23, 25-23, 15-13 paglusot sa Flying Titans tampok ang 15 points ni Mylene Paat-Rezanova.
“I think, sa akin, ‘yung mindset ko ay suportahan namin ang bawat isa. So, kung sinong ipasok sa amin, kung sino ipasok ni coach (Koji Tsuzurabara), kailangan support namin ‘yung bawat isa,” sabi ni Paat-Rezanova.
Muling makakatulong ni Paat-Rezanova sina Trisha Tubu, Ces Molina, Ara Galang, Royse Tubino, rookie Jonna Perdido at setter Louie Romero.
Winalis naman ng Chargers ang High Speed Hitters, 25-18, 25-19, 25-22, para sa kanilang unang panalo matapos ang 0-2 panimula sa torneo.
Sina Ivy Lacsina, Grethcel Soltones, Fifi Sharma, Ced Domingo, Faith Nisperos at libero Justine Jazareno ang gagabay sa Akari.
- Latest



















