No. 3 spot sa FiberXers

MANILA, Philippines — Dumaan muna sa butas ng karayom ang Converge bago makuha ang No. 3 spot sa quarterfinal round ng Season 50 PBA Governors’ Cup.
Iniskor ni Alec Stockton ang winning basket, habang ang depensa ni import Cameron Clark kay Rondae Hollis-Jefferson ang sumelyo sa 114-112 overtime win ng FiberXers laban sa TNT Tropang 5G kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Isinara ng Converge ang elimination round sa Group A sa pamamagitan ng isang five-game winning streak para sa 8-4 record papasok sa crossover quarterfinals, habang laglag ang TNT sa No. 4 sa kanilang 7-5 baraha.
Lalaro rin sa best-of-five quarterfinals series ang Group A leader NLEX (9-2) at San Miguel (8-3).
Tumapos si Stockton na may 19 points, habang may 27 markers si Clark bukod sa pitong rebounds at anim na assists para sa FiberXers na bumangon mula sa 15-point deficit, 71-86, sa dulo ng third period.
“Good thing iyong mga bata talagang lumaban, hindi nawala sa focus kahit lumamang sila (TNT),” sabi ni Converge coach Delta Pineda na nakahugot ng 22 points kay Juan Gomez de Liaño tampok ang tatlong four-point shots.
Ang jumper ni Glenn Khobuntin ang nagbigay sa Tropang 5G ng 101-91 abante sa huling 4:05 minuto ng fourth quarter bago banderahan nina Stockton at De Liaño ang pagbangon ng FiberXers patungo sa overtime, 106-106.
Huling nakatabla ang TNT sa 112-112 mula sa drive ni Jordan Heading, habang ang salaksak ni Stockton ang nagbigay sa Converge ng 114-112 bentahe sa nalalabing 11.3 segundo.
Mala-pader na depensa naman ang ibinigay ni Clark kay Hollis-Jefferson na bigong maisalpak ang kanyang tira sa pagtunog ng final buzzer.
- Latest






















