Beermen buhay pa sa No. 1 spot sa quarters

MANILA, Philippines — Ibinuhos ng San Miguel ang ngitngit nito sa sibak nang Terrafirma, 135-130, upang mapanatiling buhay ang pag-asa sa No. 1 seed sa PBA Season 50 Governors’ Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Higanteng 2nd quarter na ratsada ang pinakawalan ng Beermen upang maipagpag ang makulit na Dyip at maiganti ang 116-98 kabiguan nito noong nakaraang linggo kontra sa karibal at reingnig champion na Talk ‘N Text.
Angat sa 8-3 baraha ang SMB para manatiling nakabuntot sa Group A lider na NLEX (8-2) papasok sa krusyal na laban nila sa Oktubre 21.
Gumiya sa mga bataan ni coach Leo Austria si George King na naghari sa 44 puntos, 5 rebounds, 5 assist, 1 steal at 2 tapal sa 36 minutong aksyon lang.
Umayuda sa kanya si 9-time PBA MVP June Mar Fajardo na humakot ng double-double na 25 puntos at 12 rebounds, habang may 22 puntos naman si CJ Perez.
Nag-ambag din ng 13 puntos si Don Trollano, may 8 at 7 puntos sina Marcio Lassiter at Jeron Teng, ayon sa pagkakasunod.
“We needed to bounce back so this game is important for us to maintain our position in the Top 2,” ani coach Leo Austria na sigurado na ang mga bataan sa crossover quarterfinals.
Mula sa masaklap na kabiguan kontra sa Tropang 5G, nahirapan pa sa simula ang Beermen nang makaabante lang nang bahagya kontra sa Dyip, 28-27, bago magpakawala ng 36-20 birada sa 2nd quarter.
Hindi na lumingon pa ang SMB buhat noon tungo sa madaling 30-puntos na tagumpay.
Kinapos ang 28, 23, 12 at 10 puntos nina Justin Strings, Maverick Ahanmisi, Shawn Umali at Juami Tiongson para sa Dyip na sumadsad sa 4-7 kartada.
- Latest

















