Letran haharapin bangis ng San Beda
MANILA, Philippines — Nadungisan ang malinis na karta ng Letran sa kanilang huling laro kaya naman nasa kukote nila na bumawi agad para sikwatin ang panalo laban sa defending champion San Beda University sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament na lalaruin sa Playtime FilOil Center sa San Juan ngayong araw.
Masaklap ang pagkatalo ng Knights dahil isang puntos lang ang nilamang ng Arellano University Chiefs noong Setyembre 28 kaya paniguradong bagong hasa ang kanilang pantuhog sa makakalaban na Red Lions ngayong alas-5 ng hapon.
Magbabanatan naman sa alas-3 ng hapon ang College of Saint Benilde at San Sebastian College - Recoletos.
Nasa pangalawang puwesto sa Group B ng team standings ang Letran na may 3-1 karta habang nasa pangatlong puwesto sa Group A ang San Beda tangan ang 3-2 baraha.
Inaasahang magiging mainit ang labanan ng Letran at Beda dahil parehong nais nilang mapaganda ang kanilang karta.
Huhugot ng puwersa ang Letran kina Chad Gammad at Justine Cargo para ipantapat sa mga pambato ng SBU na sina Sean Torculas at Jimuel Reyes.
- Latest






















