‘SiPons’ nakabawi sa AVC beach tourney
MANILA, Philippines — Bumalikwas sa unang pagkatalo sina Sisi Rondina at Bernadeth Pons ng Alas Pilipinas Women matapos ang 21-8, 21-8 dominasyon kina Guzaloy Mamatsodikova at Malikakhon Tursunpulatova ng Uzbekistan sa 2026 AVC Beach Volleyball Continental Championship kahapon sa Shangluo, China.
Nagmula sina Rondina at Pons sa 13-21, 21-19, 13-15 pagyukod kina Patcharaporn Seehawong at Salinda Mungkhon ng Thailand sa Pool E ng women’s division noong Miyerkules.
Nakatakda pang labanan ng ‘SiPons’ sina Jasmine Fleming at Elizabeth Alchin ng Australia kagabi habang isinusulat ito.
Hinataw naman nina Khylem Progella at Sofiah Pagara ang ikalawang sunod na panalo sa Pool C sa 21-5, 21-7 paggupo kina Zamira Shagraeva at Odina Uralova ng Uzbekistan.
Nagmula ang 2026 Volleyball World Beach Pro Tour Futures champion duo sa 21-13, 21-14 pagdaig kina Kristina Karimova at Yekaterina Ryukhova ng Kazakhstan noong Miyerkules.
Kasalukuyan nilang nilalabanan kagabi sina Asami Shiba at Reika Murakami ng Japan para sa tsansang makapasok sa Round of 16.
Sa men’s division, laglag sina Alas Pilipinas Men tandem James Buytrago at Ronniel Rosales sa ikatlong dikit na kamalasan.
Yumukod sina Buytrago at Rosales kina Mark Nicolaidis at Izac Carracher ng Australia, 12-21, 17-21, at kina Jad Abi Karam at Hadi El Chabin ng Lebanon, 18-21, 18-21, sa Pool C.
Nauna nang natalo sina Buytrago at Rosales kina Kai Kurokawa at Ryuichi Adach ng Japan, 15-21, 14-21, sa kanilang unang laro noong Miyerkules.
- Latest























