^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Sara, dapat dumalo sa impeachment hearing

Pilipino Star Ngayon

NAIS niyang matapos agad ang kanyang paglilitis, pero ayaw niyang dumalo rito. Ito ang kabalintunaan sa panawagan ni Vice President Sara Duterte na dapat umanong su­munod ang Senate Impeachment Court sa 1987 Constitution at paspasan ang mga pagdinig, gayong siya mismo, sa loob na ng pitong linggo at 16 na araw ng paglilitis, ay hindi pa rin nagpapakita.

Sa isang chance interview sa Zamboanga City, sinabi ni Duterte na hindi na kailangan pang personal siyang dumalo dahil “fully rep­re­sented ako ng ating defense team,” at ito raw ay katum­bas na ng kanyang sariling pagharap. Kasabay nito, hiniling niyang bilisan na tapusin ng Senado ang buong proseso, gaya ng nakasaad sa Saligang Batas.

Pero paano matatapos ang isang paglilitis­ kung ang mismong nililitis na opisyal ang umi­iwas magbigay-linaw? Hanggang ngayon, walang sagot kung bakit gumamit ng mga pekeng pa­ngalan, tulad ng “Mary Grace Piattos”, bilang mga umano’y tatanggap ng halos P125 milyong confidential funds mula sa Office of the Vice President. Walang sagot kung paano nagastos ang P612.5 milyong pondo na sinasabing maling nagamit sa OVP at Department of Education. Mga tanong na tanging siya lang, hindi ang kan­yang mga abogado, ang makasasagot.

Ito ang dahilan kung bakit maling akala na kapag “fully represented” ka na sa papel, kum­pleto na rin ang katotohanan. Sabi mismo ni House prosecution spokesperson Ace Barbers, hindi puwedeng piliin lang niya kung kailan siya susunod sa proseso at kailan hindi.

Ihambing ang paglilitis noong 2012, kung saan regular na humarap si dating Chief Justice Renato Corona sa sariling paglilitis. Anim na buwan lamang, natapos na iyon kung saan buo ang testimonya, malinaw ang naging desis­yon. Ngayon, 92 araw ang inilaan para sa pag­lilitis ni Duterte, at sa mga unang linggo pa lamang, mas pinili niyang dumalo sa isang rally sa The Hague para sa kanyang ama kaysa personal na sagutin ang mga akusasyon laban sa kanya.

Hindi puwedeng humingi ng bilis habang nagtatago sa katotohanan. Kung talagang gusto niyang matapos agad ang usaping ito, ang sagot ay hindi ang pag-iwas, ang sagot ay ang personal na paghaharap. Dumalo siya at sa­gutin ang mga tanong. Doon lang matatapos ang lahat, hindi sa pagpapaubaya sa abogado, kundi sa pagharap mismo sa Senado.

SARA DUTERTE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with