Farmasyang bayan 4,500 taon pa noon
May puno na lumulunas sa pinaka-malalang krisis sa sakit. Mahigit 4,500 taon pa noon ginagamit na lahat ng bahagi nito – balat, dahon, prutas, buto, ugat – panggamot. Pinakamabisa ito kontra bacteria, virus, fungi, parasites. Pinapatay nito ang superbugs na lumulumpo sa tao.
Isang puno lang ay nagdudulot ng mas maraming gamot kaysa farmasya. Ito ang punong Neem. Matatagpuan sa Timog Asya.
Pero nu’ng 1994 tinangka ng isang korporasyong Amerikano at ng gobyerno ng Amerika na angkinin ang puno na ito. Nag-file sila ng patent na kesyo raw inimbento nila ang kaalaman ng mga katutubong Indian noon pa man. Ang puno na walang magmamay-ari ay magiging pag-aari nila.
Pero hindi sumuko ang Neem. Lumaban ang mga siyentipiko. Pinatunayan nila na bukod sa gamot para sa tao at hayop, pestisidyo at pataba rin ang katas ng Neem. Kumbaga, ito ang nagpakain, nagpalusog, at nagpayabong sa iba’t ibang angkan, tribo, at bansa: India, Pakistan, Sri Lanka, Bangladesh, Myanmar, Thailand, Indo-China, Kahariang Malay.
Binuhay ng mga modernong siyentipiko ang lumang kaalaman. Bukod sa mga aklat at espesyalistang magasin, ikinalat ito sa radyo, telebisyon, at online. Nabatid ng mundo ang pagkatuso ng kapitalistang Amerikano at gobyerno nito. Dinemanda sila sa iba’t ibang bansa.
Tinangka rin ng ibang kumpanyang Amerikano na i-patent ang halaman at bulaklak na Camia ng Pilipinas. Sasarilihin sana nito ang kemikal na pinagmumulan ng halimuyak ng bulaklak. Kumbaga, sila na lang ang maari gumamit ng bango ng Camia.
Binalaan sila ng mga Pilipino. Sa huli, pina-patent na lang ng kumpanya ang ilang phytochemical compunds at medicinal extracts ng Camia. Nanatiling para sa lahat ang halaman at bulaklak. Maipapamana pa ito sa mga susunod na salin-lahi.
- Latest




















