‘Great Power, No Responsibility’
Mainit na tinanggap ng mga Pinoy ang pagbubukas sa mga sinehan ng Spider-Man: Brand New Day, patunay lamang na ang bayaning ito ay may espesyal na espasyo sa ating mga puso. Hindi lang ito basta palabas, ito ay repleksyon ng ating sariling kultura at karanasan.
Ang tanyag na linya na “with great power comes great responsibility” ay madaling mauunawaan sa isang lipunang naniniwala sa pagtutulungan.
Subalit, ang linya na ito ay kabaligtaran sa ating mga politiko na inihalal ng taumbayan na sila ay may “great power, no responsibility” na nabigyan ng kapangyarihan pero ayaw tumupad sa tungkulin.
Mga politiko na kulang sa tunay na malasakit at integridad sa bayan na nakakalimot sa taumbayan pagkaupo sa pwesto.
Ang tunay na lider ay naglilingkod nang tapat at hindi pamumulitika ang ginagawa para alisin sa puwesto ang ayaw nilang maging lider.
Sa tuwing nakakakita tayo ng gagamba sa sulok ng kisame o sa pagitan ng mga sanga ng puno, ang madalas nating mapansin ay ang masalimuot nitong sapot.
Ang maliit na nilalang na ito ang pinakamalinaw na salamin ng masang manggagawang Pilipino.
Bago pa sumikat ang araw, milyun-milyong Pilipino ang nagsisimula nang “maghabi” ng kanilang kabuhayan.
Sila ang mga tsuper na pumapasada sa ilalim ng init ng araw; construction workers na bumubuo ng mga naglalakihang gusali, factory workers na nakakadena sa mababang pasahod, at mga magsasakang nagtitiyaga sa tigang na lupa.
Ang kanilang “sapot”—ang maliit na kitang pinagkakasya sa pamilya—ay madalas na winawasak ng mabilis na pagtaas ng presyo ng bilihin, kawalan ng seguridad sa trabaho, at kakulangan sa proteksyon.
Kung hindi sila kikilos ngayon, walang kakainin ang kanilang mga anak kinabukasan.
Sila ang mga gagambang patuloy na nagtatayo, nagkukumpuni, at lumalaban sa kabila ng hindi pagpansin ng mga lider sa hinaing ng taumbayan.
Ang kanilang sapot ng pagtitiis ay mananatiling sapot ng patuloy na pakikibaka.
Hindi kailangan ng superpowers para maging bayani; ang pagbangon araw-araw sa kabila ng hirap ay sapat na patunay na may Spider-Man sa bawat isa sa atin.
Ang kapangyarihan sa pamahalaan ay hindi para sa sarili kundi dapat unahin ang kapakanan ng mahihirap kaysa sa pansariling interes.
- Latest



















