Alas Men kinapos sa Cambodia

CANDON CITY, Ilocos Sur, Philippines — Itinodo ng Alas Pilipinas ang kanilang lakas subalit kinapos pa rin kontra Cambodia, 23-25, 30-28, 20-25, 25-22, 8-15 sa simula ng Week One ng Southeast Asian Volleyball Cup (SEA V Cup) men’s division na nilaro kahapon sa Candon Arena.
Natisod ang Alas Pilipinas sa unang set matapos ang dikdikang laban pero bumangon agad ang Pinoy netters sa second frame upang ilista ang tig-isang set na panalo.
May tsansa sanang masilo ng Cambodia ang set 2, naghabol sila sa tatlong puntos, 21-24 at pumalo sila ng apat na sunod na puntos upang maagaw ang lamang, 25-24, subalit naging matatag ang Alas Pilipinas kaya naitakas ang mahirap na panalo.
Mas naging matindi ang naging labanan sa third at fourth frames dahil nasagad sa fifth set ang kanilang bakbakan sa event na ang punong abala ay si Candon City Mayor Eric Singson at suportado ng Philippine Sports Commission at ng Philippine Olympic Committee.
Nakaramdam ng pagod ang Pinoy Spikers sa set 5 kaya nalasap ang unang kabiguan sa Pool B habang nilista ng Cambodia ang 1-0 karta sa tournament na makakakuha ng FIVB world ranking points.
Humataw agad ang Cambodia sa kaagahan ng set 5, hinawakan nila ang four-point lead, 7-3 para mapanghinaan ng loob ang Alas Pilipinas na sunod na makakalaban ang 2025 SEA V. League second leg champion Indonesia bukas ng alas-5:30 ng hapon.
Samantala, kinahon ng first leg champion Thailand ang unang panalo matapos nilang payukuin ang Vietnam, 33-31, 18-25, 25-19, 25-16 para ilista ang 1-0 card sa Pool A.
- Latest
























