Junior Tigresses swak sa Final Four ng SJNI

MANILA, Philippines — Swak sa semifinals ang University of Santo Tomas matapos walisin ang One La Salle, 25-17, 25-22, sa 2026 Shakey’s Juniors National Invitationals kahapon sa Playtime FilOil Arena sa San Juan City.
Nalampasan ng Junior Tigresses ang atake ng One La Salle sa second set para ilista ang 4-0 record sa torneong suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R and B Milk Tea.
Pumalo si Nicole Pelaez ng game-high 12 points mula sa 10 attacks at dalawang blocks para banderahan ang nagdedepensang Shakey’s Girls Volleyball Invitational League (SGVIL) Rising Stars Cup Division 1 champion.
Kinuha ng UST ang 20-13 abante sa second frame bago nagtuwang sina Aislyn Alemana at Alyana Valdez para idikit ang One La Salle sa 22-23.
Ngunit nagkaroon si Antonella Jayobo ng krusyal na service error sa panig ng One La Salle kasunod ang ace ni Anneli Manzanillo para selyuhan ang panalo ng Junior Tigresses.
Nagdagdag si Manzanillo ng walong puntos, habang may tig-limang marka sina Erin Sotto at Jyrah Romias para sa UST na nilalabanan ang Pusong Azul kahapon habang isinusulat ito.
Laglag ang One La Salle sa 3-2 marka matapos maputol ang sinasakyang three-game winning streak.
Samantala, tinakasan ng St. John’s Institute-Bacolod ang Arellano University High School, 25-22, 25-17, para makuha ang Final Four ticket.
Humataw si Caera Celis ng 12 points para sa 4-0 baraha ng Falcons at may siyam at walong marka sina Edz Escultura at Kristel Mirasol, ayon sa pagkakasunod.
Nagwakas din ang tatlong sunod na ratsada ng Lady Braves para sa 3-2 marka.
Magtutuos ang UST at SJI-Bacolod ngayong ala-1 ng hapon sa four-game playdate ng weeklong competition na suportado rin ng Jetour, Baic, Eurotel, Victory Liner Rent & Go, F2 Logistics, Summit Natural Drinking Water, PusoP.com at Smart Sports.
- Latest























