Chargers buwenamano ng Thunderbelles

MANILA, Philippines — Kaagad inilista ng ZUS Coffee ang kanilang pangalan sa win-loss column ng 2026 Premier Volleyball League (PVL) On Tour matapos talunin ang Akari, 25-11, 25-23, 26-28, 25-17, kahapon sa Capital Arena sa Ilagan City, Isabela.
Pumalo ang nagbabalik na si AC Miner ng 15 points bukod sa 10 excellent digs para sa 1-0 record ng Thunderbelles, habang may 15 markers din si middle blocker Zam Nolasco.
Nagdagdag si dating Farm Fresh spiker Jolina dela Cruz ng 12 points at 13 excellent receptions at may 11 markers si veteran Rachel Anne Daquis para sa tropa ni coach Jerry Yee.
“Masuwerte din ako kasi siyempre, binigyan ako ng playing time ni coach Jerry and nasa magandang system din ako and very welcoming sila sa akin,” wika ni Dela Cruz.
Tumipa si setter Cloanne Mondoñedo ng 21 excellent sets at may 10 digs si Kate Santiago para sa kanilang floor defense.
Pinamunuan ni Eli Soyud ang Chargers sa kanyang 16 points mula sa 14 attacks at dalawang service aces habang may siyam at walong marka sina Ivy Lacsina, Chenie Tagaod, Jamaica Villena at Nicole Ancheta, ayon sa pagkakasunod.
Hindi ginamit ang bagong saltang si Risa Sato, isang 10-time PVL middle blocker champion ng Creamline.
Maagang nagdomina ang ZUS Coffee sa first set, 25-11, bago pumalag ang Akari sa second frame, ngunit kinapos din sa dulo, 23-25.
Nakaiwas na mawalis ang Chargers sa third set, 28-26, sa likod nina Soyud, Lacsina at Tagaod.
Sa pagbubukas ng fourth set ay itinayo ng ZUS Coffee ang 6-0 bentahe na kanilang naprotektahan hanggang tuluyan nang tapusin ang laro sa 25-17.
Pupuntiryahin ng ZUS Coffee ang ikalawang sunod na panalo sa pagsagupa sa Choco Mucho Flying Titans sa Sabado sa Batangas City
Babalik sa aksyon ang Akari sa Agosto 1 laban sa Choco Mucho sa Polomolok, South Cotabato.
- Latest



















