Creamline lalapit sa finals berth

MANILA, Philippines — Lalapit ang Creamline sa finals berth ng 2026 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference sa pagsagupa sa Farm Fresh sa Smart Araneta Coliseum.
Sasagupain ng Cool Smashers ang Foxies ngayong ala-1:30 ng hapon kasunod ang salpukan ng nagdedepensang PLDT High Speed Hitters at guest team Ho Chi Minh ng Vietnam sa alas-4 ng hapon.
Sa huling laro sa alas-6:30 ng gabi magkikita ang Nxled Chameleons at guest squad EST Cola ng Thailand.
Solo ng Creamline ang liderato bitbit ang 2-0 record kasunod ang PLDT (1-1), Nxled (1-1), EST Cola (1-1), Farm Fresh (1-1) at Ho Chi Minh (0-2).
Magkas unod na pinatumba ng Cool Smashers ang Chameleons, 25-20, 25-23, 23-25, 25-20, at Ho Chi Minh, 25-18, 25-16, 25-6, na nagpalakas sa kanilang tsansa sa finals spot.
Bigo naman ang Foxies sa mga Thai spikers, 21-25, 16-25, 22-25, noong Martes matapos ang naunang 25-14, 25-15, 26-28, 25-20 pagdaig sa Vietnamese team noong Lunes.
Isa sa pangunahing dahilan ng ratsada ng Creamline, ang 11-time PVL champions, ang pagdating ni 6-foot-5 middle blocker Jaja Santiago-Minowa.
“Knowing Jaja, sobrang nakaka-intimidate siya sa harap. Iyong presence niya talaga sobrang hirap kung kalaban mo siya,” ani coach Sherwin Meneses sa asawa ni Alas Pilipinas Women coach Taka Minowa. “Siyempre ‘yung leadership and experience niya, mas napapadali ‘yung depensa namin kapag si Jaja ‘yung nasa harap.”
Muling makakatuwang ng 30-anyos na si Santiago-Minowa sina Jema Galanza, Alyssa Valdez, Tots Carlos, Pangs Panaga, Michele Gumabao at Kyle Negrito.
Itatapat ng Farm Fresh sina Trisha Tubu, Ces Molina, Ara Galang, Royse Tubino, Mylene Paat-Rezanova, Riri Meneses at Louie Romer.
- Latest


















