7 gold sa swimming sweep ni Santor
PROSPERIDAD, Agusan del Sur, Philippines — Mission accomplished.
Winalis ni swimmer Patricia Mae Santor ng National Capital Region ang pitong event na sinalihan upang maging most bemedalled na batang atleta sa 66th Palarong Pambansa na ginaganap dito.
Nilangoy ng 18-anyos na si Santor ang gold medal sa 100 meter butterfly ng Secondary Girls 13 and Over matapos ilista ang tiyempong 1:04.09 minuto kahapon na ginanap sa Aquatic Center sa Datu Lipus Makapandong Gov. D.O Plaza Sports Complex.
Inamin ni Santor na puntirya niyang sikwatin ang ginto sa lahat ng kanyang lalanguyin upang maging maganda ang huling taon niya sa nasabing event na suportado ng department of Education sa pakikipagtulungan ng Philippine Sports Commission, (PSC) sa pamumuno ni chairman Patrick “Pato” Gregorio.
“I really had high expectations. That’s my only goal for this season. It’s my last year.” ani Santor. “Pinaghandaan ko ito I’m glad it all went well in the end.”
Dumating na segundo ang ka-kuwadra ni Santor na si Sinagtala Cuevas, Oromas ng isang minuto at 06.75 segundo para sa silver medal habang bronze ang naiuwi ni Riannah Chantelle Coleman ng National Academy of Sports (1:06.99).
Ang ibang pinagwagian ni Santor ay ang 400 meter individual medley, 4x50 meter medley relay, 50 meter butterfly, 200 meter individual medley, 200 meter butterfly at 4x100 meter medley relay.
Samantala, lalong umalagwa sa medal standings ang NCR, nakalikom na ito ng kabuuang 46 gold, 38 silver at 35 bronze.
- Latest



















