Diouf ipinalit ng TNT kay Bol

MANILA, Philippines — Dahil gahol na sa oras, isasalang ng nagdedepensang TNT Tropang 5G si naturalized player Malick Diouf bilang pansamantalang kapalit ni injured import Bol Manute Bol.
Ipaparada ng Tropang 5G ang 6-foot-11 na si Diouf sa kanilang pagsagupa sa Meralco Bolts nga-yong alas-5:15 ng hapon sa Game Three ng Season 50 PBA Commissioner’s Cup semifinals series sa MOA Arena sa Pasay City.
Nagkaroon ang 7-foot-3 na si Bol ng Achilles tear injury sa 76-87 talo ng TNT sa Meralco sa Game Two na nagtabla sa kanilang best-of-seven semis duel sa 1-1 noong Biyernes.
“That’s basketball. That’s sports. That’s part of the game. Injuries are part of the game and there’s nothing we can do about that except to do our best and just cope with it,” ani Tropang 5G coach Chot Reyes tungkol sa masaklap na injury ni Bol.
Nangyari ang injury ng dating NBA center sa 2:37 minuto ng first period sa kanyang pagsalaksak kina Meralco import Marvin Jones at Javee Mocon.
Ikinunsidera ng PLDT franchise ang isa kina dating NBA players Marquese Chriss at Darius Days bilang kapalit ni Bol.
Ang 6’9 na si Chriss ay ang No. 8 overall pick ng Sacramento Kings sa 2016 NBA Draft at naglaro para sa Phoenix Suns, Houston Rockets, Cleveland Cavaliers, Golden State Warriors at Dallas Mavericks.
Nagmula si Chriss sa paglalaro sa Chinese Basketball Association.
Ang 6’6 namang si Days ay naglaro para sa Rockets ng isang season.
Sa ikalawang laro sa alas-7:30 ng gabi pag-aagawan din ng Barangay Ginebra at Rain or Shine ang 2-1 lead sa kanilang serye.
- Latest



















